AGAD naramdaman ni Kael ang mga matang nakatitig sa kanya. Awtomatiko siyang napatigil sa pagsubo ng pagkain at pilit na itinungo ang kanyang cap.
“Kuya Kael! Ikaw po ‘yan, ‘di ba?” lumapit ang isa sa mga kabataan, bakas ang excitement sa mukha. “Pa-picture naman po, idol, viral ka sa TikTok!”
Kahit hindi komportable, naging maginoo at maayos pa rin si Kael. “Ah, sige po. Mabilis lang po ha, kumakain kasi kami.”
Habang nakatayo si Kael at nakikipag-selfie sa grupo, ang mga kasama nitong babae ay nagsimulang magbulungan habang nakatitig kay Rhea na nakaupo sa mesa.
“Sino ‘yung kasama niya? Girlfriend niya?” “Weh? Akala ko single siya sabi sa TV?” “Videohan mo dali, i-post natin kung sino ‘yung kasama niya!”
Nang makita ni Rhea na nakatutok na ang isang camera sa kanyang gawi, mabilis na gumana ang kanyang instinct. Inilabas niya ang cellphone at nagpanggap bilang istriktong road manager na kausap kunwari ang talent manager ni Kael na si Mr. Frank.
“Ay ganun po ba Sir Frank? Sige po, sasabihin ko sa kanya na umuwi na at magpahinga dahil maaga niyang call time bukas,” sinadya niya itong iparinig sa mga babae.
Matapos paunlakan ni Kael ang ilang nagpa-picture, nagsalita ulit si Rhea “Pasensiya na po. Kailangan na pong umalis ni Kael, may trabaho pa siya bukas. Bilang road manager po niya kailangang istrikto ako sa oras niya. Ako po kasi ang mapapagalitan ni Mr. Frank.”
Nang makasakay sila muli sa motor at mabilis na makalayo sa lugar, wala nang gaanong imikan sa kalsada. Ibinaba ni Kael si Rhea sa tapat ng kanyang condo. Nang alisin nila ang kani-kanilang helmet, naghari ang isang mabigat at nakatutulala na katahimikan.
Tiningnan ni Kael si Rhea. Bakas sa mukha ng binata ang disappointment, hindi dahil sa naunsyaming date, kundi dismayado ito sa sarili. “Sorry, Rhea,” mahinang wika ni Kael, hawak ang helmet. “Kahit simpleng pagkain lang sa labas... hindi ko na maibigay sa ‘yo nang tahimik.”
Huminga nang malalim si Rhea. Hinawakan niya ang pisngi ng binata at dahan-dahang umiling.
“Hindi mo kasalanan, Kael,” bulong ni Rhea, bagamat naroroon ang pait sa kaniyang boses. “Ito na ang buhay mo… natin ngayon. Tsaka nag-enjoy naman ako ah. Ang galing ko ngang umakting na road manager mo. Mag-apply kaya akong road manager mo?”
Natawa si Kael sa biro ni Rhea. Pagkatapos ay napatitig silang dalawa sa isa’t isa. Ang privacy at kapayapaang dati ay hindi nila pinapansin ay tuluyan nang naging isang mamahaling luho na hindi na nila basta-basta maibabalik.
Itutuloy