Apoy sa Balsa (40)
Sa sumunod na dalawang linggo, ang buhay ni Kael ay nagmukhang isang mabilis at nakalululang palabas. Ang simpleng messenger at tagabantay sa burger stall ay dinala ng agos ng kanyang pagiging viral sa iba’t ibang oportunidad, mula sa maliliit na brand collabs sa TikTok, pagiging guest sa live-selling streams ng local clothing brands.
Sa unang pagkakataon sa kanyang buhay, kumikita si Kael ng halagang hindi niya kailanman naisip na mahahawakan niya sa loob lang ng ilang araw. Napapadalhan na niya ng sapat na pera ang kanyang ina sa probinsya, at nakalipat na rin siya sa isang mas maayos na kuwarto.
Sa ahensiya, tuluyan nang nabago ang tingin sa kanya ng mga tao. Hindi lang siya basta ang lalakihang tagahatid ng mga folder at packages; ngayon, ang mga empleyado na mismo ang nagpapa-picture sa kanya habang naglalakad siya sa opisina.
Isang hapon, ipinatawag si Kael sa conference room. Doon, ipinakilala ni Ms. Agatha ang isang kilalang talent manager na si Mr. Frank.
“Kael, tiningnan ko ang mga metrics mo,” deretsahang panimula ni Manager Frank habang inilalatag ang isang draft contract sa mesa. “Hindi ka lang basta pang-isang araw na viral star. May charisma ka, maganda ang rehistro mo sa camera, at gusto ka ng masa. Puwede kitang gawing totoong commercial model at artista. Pero bago tayo pumirma, kailangan kong may linawin sa ’yo.”
Yumuko nang bahagya si Kael. “Ano po iyon?”
Inayos ni Manager Frank ang kanyang salamin at tinitigan siya nang deretso sa mata. “May asawa ka na ba? O girlfriend? May mga ex ka ba na puwedeng maglabas ng kung anong issue sa ’yo online?”
Walang pag-aalinlangan at may bahagyang ngiti sa mga labi, agad na sumagot si Kael. “Wala po akong asawa. Pero may girlfriend po ako.”
Agad na napasimangot at napailing si Manager Frank. Para bang iyon ang pinakamasamang balita na narinig niya sa buong araw.
“Naku, Kael. Mali,” pailing-iling na sabi ni Frank. “Habang mainit pa ang pangalan mo at habang dumadagsa ang offers, i-lock muna natin ’yang puso mo. Ang bentahe mo ngayon sa mga fans, at sa publiko ay ’yung image mo bilang ‘eligible, hard-working bachelor.’ Ang fantasy na puwedeng pangarapin ng kahit sino. Kapag nalaman ng tao na may girlfriend ka na, mawawala ang kilig. Mawawalan ng interes ang mga brands sayo.” (Itutuloy)
- Latest
















