Lalaki na makulit maningil ng utang, pinatay
MANILA, Philippines — Isang 68-anyos na lalaki ang nasawi matapos na paulit-ulit na hampasin ng kawayan sa ulo ng lalaking kaniyang sinisingil sa utang sa bayan ng Laoac, Pangasinan, kamakalawa.
Sa ulat ng pulisya, nitong Huwebes ng gabi ay nakahiga ang biktima sa beranda ng isang abandonadong bahay nang dumating ang suspek na may dalang kawayan at paulit-ulit na hinataw ito sa ulo hanggang sa masawi.
Ayon kay Police Major Glenn Dulay, hepe ng Laoac Police Station na ang krimen ay nag-ugat sa matagal nang alitan ng dalawa tungkol sa perang inutang suspek na madalas nilang pagtalunan.
Inamin naman ng suspek ang krimen, na nagawa umano niya dahil sa galit bunsod nang paulit-ulit paniningil ng biktima tungkol sa kaniyang utang.
“Tapos nakaupo kaming dalawa sa flooring. Bumangon, kinukulit na naman ako. ‘Yung utang ko raw. Dami kong utang daw,” anang suspek.
Iginiit din ng suspek na may utang din umano sa kaniya ang biktima, ngunit pinabayaan na umano niya.
Sinabi ng pamilya ng biktima na determinado silang ituloy ang pagsasampa ng kaso laban sa suspek.
- Latest





















