Apoy sa Balsa (33)
Bago iharap ang mga materyales kay Ms. Agnes at sa kliyente, kailangan munang tiyakin ni Rhea na tugma ang mga ito sa approved layout at sa specifications ng account. Isa-isa niyang susuriin ang mga packaging sample at brochure—kung tama ang kulay, malinaw ang mga larawan, maayos ang pagkaka-register ng print, at walang anumang depekto sa pagkakagawa.
Inilapag ni Kael ang mga kahon sa mesa at maingat na inilabas ang mga mockup. Nang magtama ang kanilang mga mata sa pagitan ng mga nakabukas na kahon, kapwa bumilis ang tibok ng kanilang puso.
“Ito na po ’yung color proofs at packaging samples, Mam Rhea,” pormal niyang sabi habang inaayos ang mga materyales sa ibabaw ng mesa.
Kinuha ni Rhea ang isang brochure at itinapat iyon sa ilaw upang suriin ang mga kulay. Kasabay nito, iniabot ni Kael ang sample ng kartong ginamit sa packaging. Sa halip na basta ilapag iyon sa mesa, marahan niyang idinampi ang dulo ng daliri sa likod ng palad ni Rhea.
Saglit lamang ang pagdampi, mabilis, palihim, at sapat upang maghatid ng tila kuryente sa kanilang dalawa. Bahagyang napangiti si Rhea, ngunit agad niyang ibinalik ang tingin sa brochure at nagkunwaring abala sa pagsusuri sa kalidad ng pagkaka-print. Ngunit ang tamis ng sandaling iyon ay agad na naputol nang mag-ring ang intercom. Boses iyon ng boss niyang si Agatha.
“Rhea, nandyan na ba ang mga mockups? Pasok ka na sa boardroom kasama ang mga materyales, parating na ang kliyente.” (Itutuloy)
- Latest






















