Apoy sa Balsa (20)
BINALOT si Rhea nang matinding pag-aalinlangan. Gusto niyang humindi. Gusto niyang magdahilan na pagod siya upang kahit paano ay maiparamdam kay Kael na wala itong dapat ipag-alala.
Ngunit bago pa man siya makabuka ng bibig, umilaw ang screen ng kanyang telepono sa ibabaw ng mesa. Isang text message mula sa kanyang boss, si Ms. Agatha, na kalalabas lamang ng boardroom: “Rhea, make sure Marco is happy. Do not say no if he invites you out. Buhay ng ahensiya ang nakasalalay sa account na ‘yan.”
Bumigat ang paghinga ni Rhea. Sa kanilang opisina, ang utos ng boss at ang pangangailangan ng kliyente ang batas. Wala siyang laban. Kinagat niya ang ibabang labi, napalunok, at dahan-dahang iniwas ang kanyang tingin kay Kael. Binalingan niya si Marco at pilit na inilabas ang kanyang pinaka-propesyonal na ngiti.
“Sure, Marco. Let’s go. I’d love to catch up over dinner.”
Nakita ni Rhea sa gilid ng kanyang mata ang pagtiim ng panga ni Kael. Walang salita nitong dinampot ang envelope sa ibabaw ng mesa, nag-iwan ng isang mabilis, pormal, at malamig na sulyap, bago tumalikod at mabilis na lumabas ng boardroom.
Naiwang nakatitig si Rhea sa sarili niyang mga kamay na nakapatong sa mesa. Nagawa niya ang trabaho at nasunod ang utos ng boss, pero pakiramdam niya, tuluyan niyang binitawan ang nag-iisang taong totoong nakakita sa kanya sa likod ng lahat ng ito. (Itutuloy)
- Latest




















