Apoy sa Balsa (19)
NAGSIMULA ang presentation. Bilang isang subok na ad executive, pinilit ni Rhea na pangatawanan ang kaniyang tungkulin. Umayos ang kanyang tindig at dumaloy ang mga bentahe ng summer TVC campaign mula sa kanyang bibig. Subalit sa kalagitnaan ng kanyang pagsasalita, binalingan niya ng tingin ang floor-to-ceiling glass wall ng boardroom.
Sa labas ng corridor, naglalakad si Kael bitbit ang isang makapal na bundle ng mga dokumento. Umangat ang tingin ng binata, at sa loob ng isang saglit, nagtagpo ang kanilang mga mata sa kabila ng makapal na salamin. Parang may kuryenteng gumapang sa ugat ni Rhea. Napatigil siya sa pagsasalita mid-sentence, nakalimutan ang susunod na slide, at bahagyang nabilaukan sa sariling laway bago mabilis na nagbawi ng tingin at nagpatuloy.
Natapos ang meeting nang matagumpay. Isa-isang lumabas ang mga executives hanggang sa maiwan silang dalawa na lamang ni Marco sa loob. Ipinasok ni Marco ang kanyang tablet sa mamahaling leather bag at lumapit kay Rhea.
“You were brilliant today, Rhi,” malambing na saad ni Marco, ang boses ay bumalik sa pagiging kuya at orgmate noong kolehiyo. “Look, libre ang schedule ko ngayong gabi. Let’s grab that dinner we missed in Batangas. For old times’ sake, at para na rin mapag-usapan natin ang mga susunod niyo pang campaigns. My driver is downstairs.”
Bago pa man makasagot si Rhea, bumukas ang pinto ng boardroom. Pumasok ang secretary para kunin ang mga huling pinirmahang kontrata. Kasunod nito ang messenger na inatasan para sa agarang delivery. Si Kael, hawak ang kanyang motorcycle helmet.
Naging urong-sulong ang hininga sa loob ng silid. Tumayo si Kael sa tabi ng pinto, matigas ang anyo, habang ang kanyang madilim na mga mata ay dumapo kay Marco na nakatayo nang napakalapit kay Rhea, naghihintay ng sagot.
(Itutuloy)
- Latest


















