Apoy sa Balsa (12)
LUMIPAS ang ilang linggo na tuluyan nang nakasanayan nina Rhea at Kael ang pagkakaroon ng purong professional relationship. Si Rhea bilang ad executive, at si Kael bilang tahimik at masunuring messenger ng ahensya. Walang labis, walang kulang. Sa loob ng opisina, pader ang namagitan sa kanila, isang distansiyang pinagkasunduan ng kanilang mga tinginan ngunit lihim na nagpapahirap sa puso nilang dalawa. Subalit ang pader na iyon ay mabilis na guguho nang dalhin sila ng tadhana sa labas ng Maynila.
Aligaga ang buong production sa dalampasigan ng isang sikat na beach resort sa Batangas. Malakas ang ihip ng hangin mula sa dagat, dahilan kung bakit lipadin ang mga reflector ng camera para sa summer TV commercial ng isang sikat na fast-food chain. Ngunit mas matindi pa sa bagyo ang tantrums ng lead talent, si Chloe De Gracia, isang kilalang malditang teen star.
“I look like a balyena in this crop top! Gross! I’m not shooting until you give me something else!” sigaw ni Chloe sabay damba sa loob ng kaniyang airconditioned tent. Stress na stress na ang marketing client, habang ang direktor na si Direk Julian ay kulang na lang ay magwala.
Sa gitna ng kaguluhan, dumating ang isang motorsiklo. Huminto ito sa tabi ng production van, at pagtanggal ng helmet ay tumambad ang seryosong mukha ni Kael. Dinala niya ang emergency backup wardrobe na kinuha niya mula sa Manila office. Nang iabot ni Kael ang mga kahon kay Rhea, napatitig si Direk Julian sa messenger. Saglit na napawi ang galit sa mukha ng direktor, pinalitan ng matinding kuryosidad.
“Shet, Rhea, sino ’yan?” bulong ni Direk Julian habang tinitingnan si Kael mula ulo hanggang paa—ang tindig nito, ang panga, at ang natural na pagiging rugged sa ilalim ng init ng araw. “Taray ng messenger niyo! Sana underwear ad na lang itong kukunan natin para siya na lang ang model at pauwiin na natin ‘yang malditang pabigat na Chloe na ‘yan!”
Hindi nakasagot si Rhea pero sa loob-loob niya bagay ngang model si Kael dahil nakita na niya itong naka-brief. Napapangiti siya sa alaalang iyon pero biglang bumalik ang kabog sa kaniyang dibdib. Bago pa man siya makapagsalita, isang bagong krisis ang sumabog. Tumatakbo ang production assistant.
“Direk! Ms. Rhea! Pinapatigil ng municipal tourism officer ang shoot! Kulang daw tayo ng Special Coastal Environmental Permit galing sa munisipyo! Nakalimutan po yata maihabol!”
“Ano?!” tili ni Direk Julian. “Fifteen minutes na lang at mawawala na ang perfect lighting! Rhea, gawan mo ng paraan! Kapag nag-pack up tayo ngayon, milyones ang mawawala sa atin!”
Naka-lock ang lahat ng production van dahil sa mga mabibigat na kagamitan, at barado ang makipot na daan palabas ng resort. Isang sasakyan lang ang puwedeng makalusot agad: ang motorsiklo ni Kael.
Itutuloy
- Latest















