Ang Kapitbahay (124)
NAGWAWALIS ng mga tuyong dahon ng mangga si Vince nang tawagin siya ni Margie.
“Vince!”
Lumingon si Vince. Problemado ang mukha ni Margie. Mabigat ang problema. Halos hindi na nagawang magsuklay ng buhok. Malayung-malayo sa dating itsura na posturyosa. Parang puyat sa pag-iisip.
“O Margie!”
“Puwede ka bang makausap?”
“Sure,’’ sagot ni Vince at lumapit kay Margie.
“Puwedeng lumipat ka rito sa bahay. Mahalaga lang—wala akong mapagsabihan kundi ikaw.”
“Sige. Sandali lang.”
Lumabas ng gate si Vince at tinungo ang gate nina Margie. Nakaabang si Margie sa gate. Binuksan ito.
“Halika, Vince.”
Pumasok si Vince.
“Sa loob tayo ng bahay mag-usap.”
Pumasok sila sa bahay.
“Maupo ka.”
Naupo si Vince. Naupo rin si Margie sa tabi niya.
“Di ba noong isang araw, itinanong mo sa akin kung bakit hindi mo nakikita ang anak kong si Brenda?”
“Oo. Sabi mo nagbabakasyon.”
“Hindi siya nagbabakasyon.”
Napaaangat ang kilay ni Vince.
“Nasaan siya?”
“Sumama kay Ram!”
Gimbal si Vince. Si Ram ang kalaguyo ni Margie.
Kahit alam ni Vince na may nangyayari na kay Brenda at Ram noon pa, hindi siya nagpahalata kay Margie.
“Anong nangyari?” tanong ni Vince.
“Wala akong kamalay-malay na nagtutungo rito si Ram at napaibig niya si Brenda. Hanggang sa magsama na sila!” (Itutuloy)
- Latest





















