Ang Kapitbahay (112)
PERO naisip din naman ni Vince, paano kung patuloy din pala si Renan sa pagpatol sa mga sinasabi nitong matrona sa Saudi. Ayon kay Renan, mga biyudang nurse ang nakakarelasyon niya.
At pinagmamalaki niya na ang mga ito ang gumagastos. Hindi raw siya humihingi at kusa siyang binibigyan ng mga ito. Mayroon pa raw na ibinahay siya at nagsama sila nang ilang taon.
Natatatandaan niyang sinabi ni Renan na ang huling matrona na nakarelasyon niya ay suportado siya—binibigyan ng pera, mamahaling damit, sapatos, alahas at pabango. Malaki raw ang suweldo ng matrona sa ospital. Sabi nga raw matrona, magsama na sila pag-uwi sa Pinas. Pero sabi ni Renan, hindi siya pumayag dahil mahalaga pa rin sa kanya si Margie. Sabi ni Renan, pampalipas-oras lang ang pakikipagrelasyon niya sa matrona. Hindi raw siya seryoso. Habang nasa Saudi lang daw siya.
Naisip ni Vince, baka nga tinutupad ni Renan ang pangako na iiwasan na ang mga matrona. Baka napahinuhod niya ito. Baka sinunod ang payo at going straight na.
Kung ganun ang ginagawa ni Renan, nakakaawa naman siya. Nagbago siya pero ang asawang si Margie ay hindi. Nakalulungkot kung iyon ang nangyari.
Nag-isip nang malalim si Vince. Ano kaya at tawagan niya si Renan sa Saudi at ipaalam ang ginagawang kataksilan ni Margie?
Sabihin din kaya niya na ang kalaguyo ni Margie ay “nilalaro” rin si Brenda.
(Itutuloy)
- Latest

















