Ang Kapitbahay (89)
Kinabukasan, maagang nagwalis ng bakuran si Vince. Maraming nalaglag na tuyong dahon ng mangga. Tinipon niya ang mga dahon at inilagay sa plastic garbage bag.
Pero paraan lamang iyon ni Vince. Ang layunin talaga niya ay makilala ang mister ni Margie na biglang dumating kahapon. Sigurado siya na mister ni Margie ang dumating kahapon.
Pero nalinis na lahat ni Vince ang mga kalat na dahon sa bakuran ay hindi pa lumalabas ng bahay ang mister ni Margie. Maski si Margie ay hindi rin lumalabas.Natutulog pa marahil. Napuyat pareho. Napangiti si Vince.
Ang pagdidilig naman ang hinarap ni Vince. Naisip niya, siguro naman, lalabas na ang asawa ni Margie bago siya matapos na magdilig.
Tama ang hula ni Vince. Eksaktong natapos siya sa pagdidilig ay lumabas ng bahay ang asawa ni Margie.
Nagkatinginan sina Vince at asawa ni Margie. Ito ang unang bumati kay Vince.
“Good morning,” sabi nito.
“Hi! Good morning,” sagot ni Vince.
“Ako si Renan.”
“Vince.”
“Kumusta Vince?”
“Okey naman, Renan.”
‘‘Ikaw pala ang may-ari ng bahay na ‘yan.”
“Oo, Renan. Kailan ka dumating?”
“Kahapon lang.”
“Ah.”
“Okey naman ang biyahe?”
“Maayos naman.”
“Ilang oras ba ang biyahe ng Saudi-Manila, Renan?”
“Walong oras.”
“Matagal pala.”
“Oo. Nakakapagod.
“Ilang araw ang vacation mo, Renan?”
“Thirty days.”
“Maikli lang pala?”
“Oo, Vince.”
“Mahirap pala talaga ang maging OFW ano?”
“Napakahirap, Vince. Siyangapala, isang araw inuman tayo ha?”
“Sige, Renan.”
(Itutuloy)
- Latest

















