Ang Kapitbahay (65)
HINDI naman niya maaring sabihin kay Margie na umalis na ito at kakain na siya. Masamang asal yun. Maginoo pa naman ang pagkakilala sa kanya ni Margie.
Pinilit ni Vince na maging kalmado. Makakaisip din siya ng paraan para umalis si Margie.
Maya-maya, may nag-ring na cell phone. Galing ang ring sa bulsa ng shorts ni Margie.
Dinukot ni Margie.
“Ang mister ko tumatawag!” sabi nitong natataranta.
“Aalis na ako, Vince!”
“Ang corned beef baka malimutan mo!”
Dinampot ni Vince ang tasa na may corned beef at inabot kay Margie. Patuloy naman ang pag-ring ng phone. Hindi sinasagot ni Margie.
“Salamat, Vince. Aalis na ako,” sabi ni Margie at mabilis na lumabas ng bahay ni Vince.
Nakahinga nang maluwag si Vince. Makakakain na rin siya ng lunch.
Mabuti na lang at tumawag ang asawa ni Margie. Kung hindi, baka magtatagal pa rito si Margie.
Nagsandok si Vince at kumain. Nagutom siya dahil kay Margie. Dapat kanina pa niya nakain ang ginisang corned beef at patatas. Lumamig tuloy.
Habang kumakakain, naisip ni Vince kung bakit tawag nang tawag ang asawa ni Margie mula Saudi. Ilang beses na habang sila ay nag-uusap, tumatawag ang asawa. Parang napakaimportante. Bakit kaya? (Itutuloy)
- Latest


















