Ang Kapitbahay (43)
MAGTAWAGAN tayo, Teresa para naman na-update ako sa mga nangyayari sa inyong mag-asawa. Gusto kong mabalitaan ang mga magaganda pang mangyayari sa inyo,” sabi ni Vince.
“Kahit hindi mo sabihin yan, tatawagan talaga kita Vince.”
“Salamat.”
Nagpaalam na si Teresa.
Tinanaw naman ni Vince ang inuupahang bahay ni John. Matagal ding nanirahan sa bahay na iyon si John at ang kalaguyong si Marie. Napaniwala siya ng dalawa na totoong mag-asawa. Yun pala, magkalaguyo. Paniwalang-paniwala naman siya sa mga kuwento ni John at ni Marie mismo.
Hindi pa raw sila nag-aanak. Hindi na niya matandaan kung ano ang dahilan ni Marie at hindi pa sila nag-aanak.
Natatandaan din niya ang sinabi ni John, na mabuti raw at walang “Marites” dito sa nilipatan nilang subdibisyon—wala raw magtsisismis sa kanila. Kaya pala sinabi iyon ni John ay dahil nga magkalaguyo sila ni Marie. “Safe” daw sila rito. Yun pala ang dahilan.
Sinulyapan muli ni Vince ang bahay na inuupahan ni John. Malaki marahil ang upa—baka kinse mil bawat buwan. Paano kaya ang mga gamit sa loob?
Napansin niya na maraming gamit si John. May malaking flat TV, magarang sopa at carpeted ang suwelo. Buong kabahayan ay naka-aircon. Talagang binuhusan niya ng kasaganaan si Marie. Lahat ng gusto nito ay ipinagkaloob. Baka maraming alahas na binigay kay Marie. Ayon kay John, malaki ang kinikita niya bilang architect.
Pero paano naman kaya si Marie ngayong iniwan na siya ni John?
Paano kaya tinapos ni John ang pakikipagrelasyon kay Marie?
Mas maganda sana kung si John mismo ang makakausap niya. Sana, isang araw ay magkausap sila o kaya magkainuman muli sila. Kapag nakainom si John ay parang laruang de-susi na walang tigil sa pagkukuwento. Kailan kaya yun mangyayari?
ISANG umaga, nakita ni Vince si John na hinahakot na ang mga gamit sa inuupahang bahay. Pinuntahan niya.
(Itutuloy)
- Latest
















