Bubot na Bayabas (125)
“Hindi po kaya mayroong nakabaon na kayamanan sa bakuran ko? Kasi po dati palang garrison ng mga Japanese noong World War II ang subdivision namin—baka may Yamashita treasure,” sabi ni Apol na nakangiti.
Napangiti rin si Tandang Santo sa mga sinabi ni Apol.
“O tatama po kami ni Guava sa lotto?” sabi ni Apol na nakangiti pa rin pero seryoso sa sinasabi.
“Hindi ko masasabi sa ngayon, Apol. Siguro masasagot ko ang mga tanong mo kapag nagpakasal na kayo ni Guava at nagsasama nang matiwasay. Pero sa ngayon, wala akong masasabi. Ipagpaumanhin ninyong dalawa.”
“Okey lang po Tandang Santo. Nagbabakasakali lang po,’’ sabi ni Apol.
Si Guava naman ang nagtanong sa matanda. Naitanong na niya ito nung una silang magtungo rito pero gusto niyang makasiguro.
“Tandang Santo, talaga po bang walang hatid na masama sa amin ang babaing napanaginipan ko at ang dalagita?”
“Wala. Gaya ng sinabi ko, sila ang magdadala sa inyo ng suwerte—hindi malilimutang suwerte.”
“Kasi po, hindi mawala sa isip ko na baka ang mga nangyayari sa akin ay kagagawan ng kampon ng kadiliman. Baka po kung ano ang mangyari sa akin at kay Apol.”
“Walang mangyayari sa inyong dalawa,” sabi ni Tandang Santo.
“Salamat po. Matatahimik na talaga ako.”
“Basta ang masasabi ko, magiging maligaya ang pagsasama ninyo ni Apol. Habambuhay kayong magiging maligaya.”
Itutuloy
- Latest






















