Hiyasmin (203)
“Sinabi ko na kay Nanay Julia ang relasyon natin at ang balak nating pagpapakasal,’’ sabi ni Hiyasmin kay Dax. Nasa taxi sila at papasok sa office nang ibalita niya.
“Sigurado ako na tuwang-tuwa ang matanda!’’
“Oo Dax, tuwang-tuwa siya. Sa katuwaan, niyakap pa ako. Tama nga lang daw na magpakasal na tayo para magkaroon na siya ng apo.”
“Sabi ko na at isa yun sa hihilingin niya.’’
“Nagbiro nga na gumawa na raw tayo ng baby!’’
“Talaga? Ibang klase si Nanay talaga. Kahit hindi pa tayo kasal gusto nang gumawa ng bata.”
“Pero binawi niya ang sinabi. Hindi raw maganda na buntis ako ikakasal. Magpakasal daw muna tayo at saka gumawa ng baby.’’
“E kung sundin kaya natin ang sinabi niya?’’
“Loko ka Dax.’’
“Unahin natin ang paggawa ng bata at saka na ang kasal.”
“Hindi puwede.’’
“Sige na.’’
“Seryoso ka?’’
Nagtawa si Dax.
“Joke lang. Hindi ka na mabiro.’’
“Akala ko seryoso ka.’’
“Alam ko naman na di ka papayag.’’
Ngumiti lang si Hiyasmin at pinisil ang palad ni Dax.
“Siyanga pala, sinabi mo ang plano nating pakikipagkita sa mama mo?’’
“Oo.’’
“Anong sabi?’’
“Mabuti nga raw na makipagkita tayo sa mama ko. Sabi ko, after mailibing ang asawa niya saka tayo makikipagkita.’’
“E kailan naman kaya tayo makikipagkita sa mama mo?’’
“Tatawagan ko siya. Gusto ko next week matuloy na ang pakikipagkita kay Mama.’’
“Sana nga. Gusto ko nang makita at makilala ang mama mo.’’
SUMUNOD na linggo, nangyari ang pakipagkita nina Hiyasmin sa kanyang mama. Sa isang restawran sa loob ng mall sila nagkita.
Nagulat si Dax sapagkat malaki ang pagkakahawig ni Hiyasmin sa ina.
Ipinakilala ni Hiyasmin si Dax sa kanyang mama. Masayang-masaya ang mama ni Hiyasmin sa pagkikita nila.
(Itutuloy)
- Latest
















