Hiyasmin (199)
KINABUKASAN, sinundo ni Dax si Hiyasmin sa opisina nito. Pagkatapos ay namasyal sila sa mall. Ang mama ni Hiyasmin ang topic nila.
“Sa palagay mo, kailan tayo makikipagkita sa mama mo?”
“Kapag nailibing na ang walanghiya niyang asawa.’’
“Kailan mo siya imi-message para sa pagkikita natin?’’
“Kapag nailibing na rin siguro. Hindi ko muna gagambalain si Mama. Hahayaan ko muna siyang magmuni-muni.’’
“Oo tama yun.’’
“Siyanga pala, paano kung sabihin ni Mama na bumalik na ako sa bahay nila tutal at wala na ang kontrabidang asawa.’’
“Ikaw ang makakasagot niyan—ikaw ang magpapasya.’’
“Sa palagay mo Dax, sundin ko siya?’’
“Ikaw nga ang magpapasya.”
“Nahihirapan ako.’’
“Kung ako ang nasa katayuan mo, ayaw ko. Hindi ako aalis sa bahay ng lalaking mahal ko. Hindi ko iiwan ang lalaking nag-ukol ng purong pagmamahal.’’
Hindi makapagsalita si Hiyasmin.
Nakatingin lang siya kay Dax.
Bakit nga ba siya aalis sa bahay ni Dax? Parang babalewalain niya si Dax—ang mga nagawa nito. Maraming nagawa si Dax sa buhay niya at hindi ito dapat iwan.
Napahikbi si Hiyasmin.
“O bakit ka napahikbi?’’ tanong ni Dax at hinila si Hiyasmin patungo sa nadaanang comfort room, dito muna tayo tumambay habang pinapayapa mo ang sarili.
Tumigil sila.
“Ba’t ka napahikbi?’’
“Kasi’y na-touched ako sa sinabi mo. Hindi kita dapat iwan sa bahay. Napakalupit ko naman kung iiwan kita. Sorry Dax. Hindi kita iiwan.”
Napangiti lang si Dax ay pinisil ang palad ni Hiyasmin.
“Kahit anong mangyari, hindi kita iiwan. Ikaw ang buhay ko, Dax.’’
“Salamat.’’
“Sasabihin ko kay Mama na ikaw ang nagligtas sa akin.’’
“Para akong si Spider-Man, ganun.”
“Puro ka biro.’’
“Talagang hindi na tayo maghihiwalay pa. Kailangan na siguro ay pakasalan na kita para lagi na tayong magkasama.” (Itutuloy)
- Latest