Hiyasmin (68)
“E MALAKI naman ang suweldo mo at hindi ka naman kinakapos kaya huwag mo nang lakihan ng upa si Hiyasmin,’’ sabi ng nanay ni Dax.
“Sige.’’
“Kasi nakakatulong naman siya sa iyo. Palagay ko nga kaya malinis ang banyo e dahil siya ang naglilinis.’’
“Sabi ko nga sa kanya e huwag nang linisan.’’
“Puwede ba ‘yun e gumagamit din siya ng banyo. Basta ang sa akin, kapag nakakatulong e hindi na dapat lakihan ang renta. Isa pa’y estudyante siya. Baka nanay lang niya ang nagpapaaral sa kanya.’’
“Nanay nga lang dahil anak siya ng Kuwaiti.’’
“Bakit ba siya naging anak ng Kuwaiti?’’
“Domestic helper dati ang mama niya sa Kuwait.’’
“Ah.’’
“Anak daw ng amo ang nakabuntis.’’
“Ah kaya pala. Guwapo siguro ang ama—ang ganda ni Hiyasmin eh!’’
“’Yun ang story kung bakit naging tao si Hiyasmin.’’
“Kaya nga huwag mo nang mahalan sa upa. Isa pa’y natutuwa ako kay Hiyasmin—napakabait na bata.’’
“E kung kumuha pa ako ng isa o dalawang boarders?’’
“Huwag na. Tama na si Hiyasmin. Baka magkaroon ka lang ng problema. Kung minsan kasi kapag maraming boarders, marami ring problema. Kung minsan nag-aaway. At saka paano ka nakasiguro na ang makukuha mong boarders ay kasing bait at kasing sipag ni Hiyasmin.’’
“Talagang gustung-gusto mo si Hiyasmin, ano Nanay?’’
“Kasi nga e mabait at masipag—masarap magluto.
“Sige e di hindi ko na mamahalan ng singil si Hiyasmin.’’
“Oo. Malaking tulong sa kanya ‘yun.”
Maya-maya, lumabas sa room niya si Hiyasmin.
“Hiyasmin, kain ka na—baka malipasan ka ng gutom. Mayroon akong ibabalita sa iyong maganda pagkatapos mong kumain,’’ sabi ng nanay ni Dax.
“Sige po, Nanay.’’
Itutuloy
- Latest