Black Widow (56)
GINAWA ni Marie ang ipinakiusap ni Jam na kontakin ang mga anak nito. Hinanap niya sa Facebook ang mga ito. Nakita niya. Nakipagkaibigan siya. Naghintay siya sa pag-confirm. Pero lumipas ang ilang araw at walang pagkumpirma. Maaaring nalektyuran na ang mga anak ni Jam na huwag makikipagkaibigan kahit kanino.
Sinubukan din niyang tawagan ang number ng cell phone na binigay ni Jam. Bakasakali raw na iyon pa ang number ng isa sa mga anak niya. Pero walang sumagot. Hula niya nagbago na ng number. Ilang ulit pa niyang tinawagan ang number pero wala talaga.
Nabigo si Marie na matulungan ang kaibigan.
Nang muli siyang dumalaw sa ospital na kinaroroonan ni Jam, sinabi niyang walang nangyari sa mga pinakiusap nito.
“Ayaw na talaga ng mga anak ko sa akin. Nalason na ang isip nila,’’ Sabi ni Jam at umiyak. Nayugyog ang mga balikat. Tinapik-tapik ni Marie sa balikat ang kaibigan.
“Ginawa ko ang lahat pero hindi sila sumasagot.’’
“Kahit makita ko lang sila okey na sa akin. Kahit hindi sila sumama sa akin, matatanggap ko na.’’
“Mayroon ka pa bang alam na maari nilang tirhan. Baka may lola pa sila. Baka doon dinala.’’
“Wala na silang lola o lolo kaya.’’
“Mayroon ka bang ideya kung saang lugar sila maaaring dinala. Maski ako na ang magtungo roon para makiusap sa mga anak mo.’’
“Wala akong alam, Marie. Ang bahay ngang tirahan ng kabit niya hindi ko alam.’’
“Paano natin sila makokontak?’’
“Hindi ko alam, Marie. Tulungan mo ako.’’
“Oo. Tutulungan kita. Pero mas maganda kung magpagaling ka muna.’’
“Parang nawawalan na ako ng pag-asa, Marie.’’
“Aba kung ganyan ang sasabihin mo sa akin, huwag mo na akong hingian ng tulong. Para ano pa ang pagtulong ko kung nawawalan ka na ng pag-asa?’’
Natahimik si Jam.
“Sorry Marie. Sorry.’’
Tinapik-tapik ni Marie ang kaibigan.
“Sige pagaling ka at saka natin haharapin ang problema,” sabi niya rito.
“Salamat, Marie.’’
(Itutuloy)
- Latest