Kastilaloy (Sinsilyo) (172)
ABANDONADO na ang bahay nina Garet. Wala nang nakatira. Naka-padlocked ang gate. Mara-ming laglag na tuyong dahon sa bakuran na halatang ilang linggo nang walang naglilinis. Sinilip ni Gaude ang loob. Walang tao. Wala ring sasakyan sa garahe.
‘‘Abandonado na ang bahay n’yo Garet.’’
Hindi makapagsalita si Garet pero sa eskpresyon ng mukha ay matindi ang pagwo-worry.
“Parang ilang linggo nang walang tao sa bahay n’yo. Marami nang naipong dahon at mga plastic wrapper sa loob ng bakuran. Halatang walang nagmi-maintain, Garet. Ano sa palagay mo?’’
Nang sumagot si Garet ay tila maiiyak.
“Nasaan ang mama ko? Ano kayang nangyari?’’
“Mabuti pa kaya magtanong tayo sa tapat o dun sa katabing bahay?’’
“Nahihiya ako Gaude. Ayaw kong malaman nila ang istorya naming mag-ina. Kasi, medyo kilala rin kami rito dahil nga attorney si Papa noong araw. Ayaw kong mabulgar ang lahat tungkol kay Mama. Gusto kong maging private ang buhay ko.’’
Naintindihan ni Gaude si Garet. Naaawa siya rito.
“Mabuti pa, ako na lang ang magtatanung-tanong. Dun mo na lang ako hintayin sa fast food restaurant na nadaanan natin. Okey sa’yo?”
“Sige Gaude. Ikaw na lang ang bahala. Parang masama ang pakiramdam ko.’’’
“Huwag kang mag-worry. Sige ihatid muna kita sa restaurant at saka ako babalik dito.’’
Nagtungo sila sa restaurant. Nag-order ng pagkain si Gaude. Kumain muna sila. Nang inaakala ni Gaude na kalmado na ang dalaga, nagbalik siya sa bahay nito. Muling sinilip kung wala ngang tao. At nang matiyak na abandonado na nga, nagtungo siya sa katapat na bahay.Eksaktong may lumabas na babae sa gate ng katapat na bahay.
‘‘Excuse me Mam, magtatanong lang po.’’
‘‘Ano po yun?’’
‘‘Alam mo po ba kung nasaan ang may-ari ng bahay sa tapat?’’
“Naku hindi po. Mga dalawang linggo na pong walang tao sa bahay na ‘yan. Naisangla raw po ‘yan at na-foreclosed ng banko.’’
“Wala po kayong na-pansin kung lumipat ang dating may-ari?’’
“Wala po. Basta po namalayan na lamang namin na wala nang tao at ang balita nga, nakasangla ‘yan sa banko at nailit na. May narinig kami na nalulong daw sa sugal ang may-ari. Pero hindi po ako sigurado.’’
“Salamat po. Kaibigan po ako ng anak ng may-ari ng bahay.’’
“Ah, ganun po ba? Sige po walang anuman.’’
Malungkot na nagbalik si Gaude sa restaurant na pinag-iwanan kay Garet. Baka lalong mag-worry si Garet kapag nalaman ang nakuha niyang balita. Pero kailangan niyang malaman lahat para makagawa ng paraan. Nagulat si Garet nang lumapit siya. Halatang malalim ang iniisip nito. Sinabi niya ang nakuhang balita.
Kalmado na si Garet nang magsalita. ‘‘Tulu-ngan mo akong hanapin si Mama, Gaude, feel ko kailangan niya ang tulong ko. Kawawa naman siya...’’
(Itutuloy)
- Latest