Kastilaloy (171)
MABILIS na natungkab ni Geof ang takip ng butas na kinaroroonan ng mga alahas. Parang malambot pa ang semento. Pero hindi na niya binigyang pansin iyon. Pagkaraang maalis ang takip ng butas, agad na kinuha sa ilalim ang glass na kinalalagyan ng mga alahas. Transparent ang glass na singlaki ng kahon ng sapatos. Kitang-kita sa loob ang mga alahas – singsing, kuwintas, pulseras, hikaw at marami pa.
“Ito nga ang mga alahas ni Kastilaloy! Mayaman na ako! Mayaman na ako! Ha-ha-ha!” Sabi ni Geof na mistulang baliw na dahil sa nahukay na mga alahas.
Sinipat-sipat ang laman ng glass. Napangiti siya. Ngayon lamang siya nakakita nang ganoon karaming alahas. Mas marami pa iyon sa naubos niyang alahas ni Mama Julia. At nang magsawa ay inilagay iyon sa itim na plastic bag. Walang maghihinala na ang laman ng bag ay milyones na alahas o baka hindi lang milyones – baka bilyones pa. Nagtawa muli si Geof. Mayaman na siya!
Nagpasya na siyang umalis. Kailangang makaalis agad siya at baka may makakita pa sa kanya.
Nakalabas siya ng memorial park na walang problema.
Paglabas ng gate, isang taksi ang tinawag niya. Nagpahatid siya sa Quiapo. Sa isang mumurahing motel muna siya tutuloy. Doon niya pagpaplanuhan kung paano ididispatsa ang mga alahas. Hindi na niya babalikan si Gina. Bahala na siya sa buhay niya!
NANG mga sandali namang iyon ay patungo na sa musuleo ni Kastilaloy sina Garet at Gaude.
Nang makarating, nabigla sila sa nakita. Nahukay na ang mga alahas. Nakita pa nila ang martilyo at sinsil na ginamit sa pagtiktik sa takip ng butas. Nagkalat din ang mga sementong natiktik at makapal ang alikabok sa suwelo.
“Na-late tayo ng dating Garet! Nakuha na ang mga alahas!’’ sabi ni Gaude.
‘‘Oo nga. Pero okey lang.’’
“Sayang, hindi natin nahuli sa akto ang Geof na ‘yun.’’
“Pero nakunan naman siya ng CCTV at ebidensiya na ‘yun. Magagamit ko na rin ‘yun para pamukhaan ang aking ina.’’
“Sa palagay mo, reresbakan tayo ni Geof kapag natuklasan ang ninakaw niya?’’
“Malalaman natin yan sa susunod na mga araw, pero bago niya magawa ang pagresbak, madadakma na siya ng mga pulis. Parang siya na rin ang humanap ng sarili niyang kamatayan.’’
“Ano ang sunod nating gagawin ngayon?’’
“Samahan mo ako. Puntahan natin si Mama! Lubusin mo na ang pagtulong.’’
‘‘Basta ikaw handa akong tumulong.’’
Nagtungo agad sila sa bahay nina Garet.
Pero isang malungkot na balita ang sumalubong sa kanila. (Itutuloy)
- Latest




















