Kastilaloy (45)
“MARAMI pa, Garet. Di ba nasabi ko sa’yo may mga naiwan si Mama na mga sulat, dokumento, at kung anu-ano pang personal na gamit sa bahay?” sabi ni Tita Carmina habang kumakain sila sa isang restaurant sa Trinoma.
‘‘Opo Tita. Nasabi mo nga iyon nung huli tayong magkita.’’
‘‘Naghalungkat ako sa isang lumang baul ni Mama. Marami akong nakita roon. May mga sulat doon na pawang naninilaw na. Ewan ko kung bakit itinago pa ni Mama ang mga iyon. Pero nagpapasalamat pa rin ako at hindi niya itinapon o sinunog. Siguro, kaya hindi niya tinapon ay para mabasa ko at malaman ang iba pang may kinalaman sa aking amang si Dionisio Polavieja o Kastilaloy.
“Ano po ang nalaman mo, Tita?’’
“May isang sulat doon na nagsasabing marami palang namana na alahas si Papa o Dionisio…’’
Napatitig si Garet kay Carmina nang mabanggit ang tungkol sa alahas ni Kastilaloy. Ang alahas kayang iyon ang sinasabi ng kanyang mama na kinuha ni Kastilaloy nang lumayas ito. Pero sabi ng kanyang mama, huwag na raw niyang mabanggit iyon kay Carmina. Pero paano ang gagawin niya ngayong si Carmina na ang nagbukas ng usapan ukol doon.
‘‘Ba’t natigilan ka, Garet?’’
Nagulat si Garet sa tanong ni Carmina. Minabuti niyang huwag nang maglihim ukol doon.
‘‘Kasi po’y may nabanggit si Mama ukol sa alahas. Marami nga raw pong alahas si Papa at dala niya ito nang lumayas.’’
‘‘A, alam din pala ng mama mo ang tungkol dun.’’
‘‘Opo Tita. Meron nga raw po tinangay si Lolo Dioniosio na kuwintas na may palawit. Hindi raw po kay Lolo Dionisio yun.’’
‘‘Iyon din ang nakalagay sa sulat na nakuha ko sa baul ni Mama. Alam mo ba kung kanino galing ang sulat?’’
“Kanino po?’’
“Kay Tiyo Fernando Polavieja, kapatid ni Papa.’’
‘‘Ninakaw daw po ang kuwintas.’’
“Hindi niya ninakaw yun. Kanya talaga yun. Minana niya ang mga yun. Gusto kasi ni Tiyo Fernando na makuha ang kuwintas dahil antigo yun. Milyones ang halaga niyon. Panahon pa ng Kastila ang alahas. Alam mo ba kung kanino pa galing ang alahas na ‘’yun. Dun sa naging governor general ng Pilipinas na naging sipsip daw sa mga Prayle.’’
“Si Camilo Polavieja po na nagpa-execute kay Jose Rizal.
“Correct. Matalino ka nga Garet. Alam mo ang history ng ating bansa.’’
“Noon pa pong pinag-aaralan ko sa college yan, naiintriga na ako sa apelyido ni Mama kasi nga, bakit kaapelyido ng suwail na governor-general.’’
“Masa-shock ka pa sa ibang sulat, Garet.’’
(Itutuloy)
- Latest
















