Kastilaloy (8)
“PAANO nagkaroon ng mga alahas si Kastilaloy, Mama?’’ Tanong ni Garet na nahihiwagaan sa bagong pinagtapat ng ina.
“Mga alahas na kinuha niya sa vault.”
“Ninakaw niya?”
“Parang ganun na nga. Sabi ni Lolo Fernando mo, ang mga alahas na yun ay pawang antique. Panahon pa ng mga Kastila. Pag-aari pa yata ng mga ninuno nila. Nagpasalin-salin sa mga anak hanggang sa henerasyon ni Lolo Fernando mo.’’
“Bakit kaya niya ninakaw?’’
“Sabi ng Lolo mo, pinamana na raw iyon ng kanyang mga magulang kay Tiyo Dionisio o Kastilaloy at ang bahay ay kay Lolo mo. Pinamili raw kasi ang magkapatid kung ano ang gusto. Ang pinili raw ni Kastilaloy ay mga alahas at ang lupa’t bahay ay kay Lolo mo.’’
“Yun nga yung lumang bahay na nasa Legarda at Bustillos?”
“Oo.’’
“So hindi ninakaw ni Kastilaloy ang alahas dahil kanya naman pala iyon. Naghati na sila.’’
“Oo nga pero mayroong natangay si Kastilaloy na hindi kasama sa kanyang parte. Hindi niya dapat dinala ang alahas sapagkat pag-aari iyon ni Lolo Fernando mo. Ipinagkaloob iyon ng kanilang ina.’’
“Ano ang alahas na ‘yun?”
“Kuwintas daw na may palawit na hugis itlog at may picture sa loob --- picture ng mga magulang nila. May nakaukit na pangalan sa tapat ng picture: DON VENANCIO DE POLAVIEJA at DOÑA ESTRELLA RUIZ DE POLAVIEJA.’’
‘‘Malaking halaga siguro ang mga alahas, Mama.’’
‘‘Sigurado dahil mga antigo ang alahas. Pero sabi ni Lolo Fernando mo, wala siyang pakialam sa mga alahas na naparte ni Lolo Dionisio, ang concern niya ay ang kuwintas na may palawit at may photo sa ilalim. Bago siya namatay, binanggit niya iyon. Hanapin ko raw. Pero dahil nga masama ang loob ko kay Kastilaloy, hindi ko hinanap. At isa pa baka nga naibenta na ang mga ’yun.’’
‘’Yan din ang hula ko Mama. Siyempre naglayas siya. Saan siya kukuha ng perang ginagastos.’’
‘‘Palagay ko, mahirap nang makita ang mga iyon.’’
Nang may maisip si Garet.
‘‘May pag-asa pa Mama!’’
‘‘Paano?’’
‘‘’Yung taong nagpalibing sa kanya. Baka may nalalaman ukol sa alahas at kuwintas!’’
Kumislap ang mga mata ni Mama Julia.
(Itutuloy)
- Latest