Sinsilyo (241)
BAGO sinagot ni Mau ang tanong ni Gaude ay ipinaabot muna nito ang sunglasses na nakapatong sa table. Nasasaktan sa liwanag ang mga mata ni Mau kaya kailangang protektahan iyon. Naapektuhan ng sunog ang mga mata.
“A-ano s-sa p-pagkaalam mo ang tunay na dahilan kaya ako pinlanong patayin ni Lyka?” tanong nito kay Gaude.
“Ang alam ko po e ganti sa iyo dahil sa pambababae mo at sinasaktan mo rin siya. Narinig ko po ‘yan kay Lolo Kandoy.’’
Napatawa nang tipid si Mau. Hindi nito gaanong maibuka ang mga bibig. Parang nagdikit ang bibig at pisngi dahil sa pagkasunog.
“H-hindi ako n-nambababae at l-lalong h-hindi nananakit. N-ni hindi k-ko nga siya napitik.’’
‘‘Pero nasabi rin po ni Lolo Kandoy na kaya raw po kayo papatayin ay dahil sa insurance. Naka-insured ka raw Tito Mau.’’
“M-alapit na roon. P-pero a-ang totoong d-dahilan ay t-tungkol sa ginto.”
“Ginto po?’’
“O-oo. G-Gold. B-bar of gold.’’
“Bakit po ginto?’’
“’Y-yung boss kong Intsik ay nakahukay ng ginto sa isang bundok sa Mindoro. Bahagi raw iyon ng mga ibinaong yaman ni Yamashita. B-binigyan ako ng isang bara. N-nagkakahalaga ng ilang milyong piso ang bara ng ginto. Iyon ang dahilan kaya marami akong pera sa banko. Nasabi ko iyon kay Lyka. Pero hindi ko ipinaalam sa kanya kung nasaan ang perang pinagbentahan ko. Alam ko kasi, pag-iinteresan niya.
“A-ang ikinagalit niya sa akin, inutusan niya akong nakawan ang aking boss. Kumuha raw ako ng isa pang bara para sa kanya. Kayang-kaya ko raw iyon. Ang akala niya madaling gawin iyon. Hindi niya alam, maraming guwardiya ang boss ko. H-hanggang sa madalang akong umuwi. K-kasi nga’y marami pang lugar na dinayo ang boss ko para maghanap ng ginto. Nagalit nang tuluyan si Lyka dahil hindi ko sinunod ang gusto niya na magnakaw ako ng ginto. Isa pa, duda siya na isang bara lang ang gintong ibinigay sa akin ng boss ko. Siguro, dahil sa galit at pagkabigo pinlano na akong patayin. At isa pa nga, naka-insured din ako na siya ang nilagay kong beneficiary. Kaya nang hindi ako masunog, sinubukan uli akong patayin dito sa ospital. E malas lang niya dahil mahaba pala ang buhay ko. Masyadong natakawan sa pera si Lyka.’’
Naputol ang pagku-kuwento ni Mau nang dumating si Lolo Kandoy. Nakinig na rin ang matanda sa ikinukuwento ni Mau. Nalaman din nito ang lahat tungkol kay Lyka.
‘‘Pero alam mo na bang may relasyon si Lyka at si Dune Kastilaloy?’’ tanong ni Lolo Kandoy.
Natigilan si Mau. Nakatingin lang kina Lolo Kandoy at Gaude.
(Itutuloy)
- Latest

















