Sinsilyo (127)
HINDI niya papapasukin si Lyka, iyon ang balak ni Gaude. Kahit anong mangyari, hindi makakapasok si Lyka. Iiwasan niya si Lyka. Ayaw niyang masangkot kay Lyka sapagkat masama ang mangyayari sa kanya. Hindi naman totoo na nakapagbilang na siya ng barya. Sinabi lang niya iyon.
“Papasukin mo ako Gaude!’’
“Hindi po puwede, Tita Lyka!”
“Bakit?’’
“Hindi po talaga puwede.’’
“Bakit nga? Papasukin mo ako. Gusto kong makita ang mga binilang mong barya.’’
“Hindi nga po puwede dahil may daga dito sa loob. Nasa ilalim ng kama ko nagtatago!’’
Napamulagat si Lyka. Tila nanindig ang balahibo nang malaman ang dahilan kaya ayaw siyang papasukin.’’
“Gusto mo po bang pumasok, Tita Lyka?”
“Hindi na! Hindi na! Patayin mo ang dagang ‘yan buwisit!’’
“Hahanapin ko po! Kapag nakita ko, papatayin ko ang daga!” Sabi ni Gaude. Pero ang totoo, walang daga. Sinabi lang niya iyon para matakot si Lyka at huwag magpumi-lit na pumasok.
“Madaliin mo ang pagpatay! Kailangang patayin mo ngayong gabi!” sabi at biglang isinara ang pinto. Lumikha ng ingay ang pagsara ng pinto.
Napaupo sa kanyang kama si Gaude. At least, nakaiwas siya kay Lyka. Saka na lamang niya problemahin kung ano ang idadahilan bukas. Puwede niyang sabihin na hindi pa niya nahuhuli ang daga. Kapag iyon ang dinahilan niya, siguradong hindi makakapasok si Lyka. Hanggang sa makarating si Tito Mau at nakaligtas siya rito. Pagdating ni Tito Mau, hindi na siya mag-aaksaya ng panahon at sasabihin ang lahat nang ipinagagawa sa kanya ni Lyka. Wala nang makapipigil sa kanya. Bahala na kung ano ang gawin ni Tito Mau. Kaila-ngang malaman ni Tito Mau ang lahat. Malaki ang paniwala ni Gaude na kaya minamadali siya ni Lyka na makabilang ng one hundred thousand mula sa mga barya ay dahil sosolohin nito. Ililihim kay Tito Mau. At para hindi siya makapiyok ay ipinakikita sa kanya ang “kaangkinan”. At kung walang bumagsak na daga sa may pinto noong nakaraang gabi, baka ibinuyangyang na ni Lyka ang “kaangkinan” para taka-win siya. Iyon ang pang-akit ni Lyka para bilangin nang mabilisan ang mga barya.
(Itutuloy)
- Latest
















