^

True Confessions

Sinsilyo (119)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon
This content was originally published by Pilipino Star Ngayon following its editorial guidelines. Philstar.com hosts its content but has no editorial control over it.

HALOS hindi na nga siya batiin ni Tito Mau nang dumaan sa harap niya. Mukhang may problema. Baka may sakit si Tito Mau kaya ganoon ang mood. Masamang-masama marahil ang katawan. Tuluy-tuloy ito sa kuwarto nila ni Tita Lyka.

Nag-atubili si Gaude kung paano sasabihin kay Tito Mau ang pagpasok ni Lyka sa kuwarto niya at nakita ang mga barya. Sa itsura ni Tito Mau ay baka hindi nito magustuhan ang sasabihin niya at baka lalo lamang lumala. Baka sa halip na mapabuti ay mapasama pa siya.

Hindi na naman mapa-kali si Gaude. Apektado na naman ang buong mag­hapon niya.

Maski sa loob ng kanyang klase ay wala siya sa sarili. Nang tawagin siya ng kanyang teacher para sa recitation ay nagulat pa siya. Nasermunan tuloy siya. Hiyang-hiya siya nang maupo. Ano ba ang nangyayari sa kanya?

Nang umuwi kinahapu­nan ay ipinasya niyang kausapin si Lolo Kandoy. Nakaka­dama siya nang kaluwagan ng loob kapag nakakahingi ng payo sa matanda. Tinapos muna niya ang mga ginagawa – pagluluto at paghuhugas sa mga pinggan – bago pinuntahan ang matanda.

Nakahiga ang matanda nang puntahan niya.  Muk­hang may sakit ito.

“May sakit ka ba Lolo?”

“Wala naman. Masakit lang itong likod,” sabi at pinilit makabangon. Inalalayan ni Gaude para makaupo sa gilid ng katre.

“May ininom ka bang gamot?”

“Wala pa.’’

“Mamaya dadalhan kita.’’

“Bakit ka narito? May problema ka ba?”

“Dumating na si Tito Mau. Kaninang umaga  dumating.’’

“O, anong problema?’’

“Di ba may sasabihin ako kay Tito Mau? Yung tungkol kay Lyka na biglang pumasok sa room ko at nakita ang mga barya.’’

“A oo nga. E sinabi mo na ba kay Mau.’’

“Hindi pa Lolo.”

“Bakit?”

“Mukhang may problema si Tito Mau. Bagsak ang balikat ng dumating at halos hindi na nga binate. Parang may sakit na hindi ko mawari ang itsura.’’

Nag-isip si Lolo Kandoy. Nakatingin kay Gaude. Hindi malaman ang sasabihin.

“Sabihin ko pa ba kahit na mukhang may problema. Baka lalong magalit sa akin kapag nalaman.’’

“Sige ituloy mo ang plano. Hayaan mong magalit. Tanggapin mo kung ano ang gagawin sa’yo. Basta mahalaga, masabi mo ang nangyari. Mas magkakaroon ka ng problema kapag si Lyka ang nagsabi niyon kay Mau. Bukas ng umaga, kausapin mo na. Katukin  mo na sa kuwarto at patay kung patay na. Sabihin mo nang tapatan!’’

“Sige po Lolo.’’

“Ituloy mo ang plano.’’

“Salamat po,” sabi ni Gaude at aalis na nang maalala ang gamot. “Ma-maya dadalhan kita ng gamot. Gusto mo dalhan na rin kita ng pagkain?”

“Sige. Masakit kasi ang likod ko.’’

“Kukuha ako ng pagkain at gamot. Sandali lang.’’

Maya-maya nagbalik si Gaude. May dalang pagkain at gamot. Nagpasalamat ang matanda. Inulit nito ang payo na kausapin si Tito Mau.

KINABUKASAN, kinatok ni Gaude ang room nina Tito Mau at Lyka.

Si Lyka ang nagbukas.

“Tita Lyka, puwede bang makausap si Tito Mau?”

“Umalis siya. Ilang araw na mawawala.’’ (Itutuloy)

LOLO

LOLO KANDOY

LYKA

MAU

NANG

SIGE

SIYA

TITO

TITO MAU

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with