Sinsilyo (64)
EKSAKTONG alas dos ng madaling araw, natapos ni Gaude ang pagbibilang ng mga barya. Pero hindi pa kasama roon ang nasa ilalim ng kama. Lahat lamang nang mga lata na nasa labas at nasa likod ng pintuan ang binilang niya. Iyon lamang ang instruction sa kanya ni Tito Mau. Nasa mahigit P30,000 ang nabilang niya. Pinaka-marami ang P1 at P5. Inilagay niya ang mga supot ng barya sa dalawang plastic bags. Napakabigat! Paano kaya madadala sa banko para maideposito? Sabagay madali na iyon. Madali nang maisasakay sa taxi patungong banko. Noong una siyang magbilang ay P20,000 at madali namang naideposito ni Tito Mau. Doon kinuha ang pinang-enroll niya.
Inayos niya ang dalawang bags na may barya. Mabigat nang iusod niya. Matutuwa sigurado si Tito Mau sa ginawa niya.
Ipinasya niyang lumabas na. Mabigat na ang talukap ng kanyang mga mata. Antok na antok na siya. Kailangang makatulog na dahil maaga siyang gigising para magluto.
Pero bago lumabas, sinilip niya ang ilalim ng kama. Nakita niya ang maraming lata na punumpuno sa mga barya. Kahit na marami na siyang nabilang ay parang hindi nababawasan ang mga lata. Mababawasan ngayon pero bukas ay madadagdagan uli dahil walang tigil sa pagpapalimos ang mga matatanda. Araw-araw ay may sumasampang pera.
Lumabas na siya. Ini-lock niyang mabuti ang pinto. Mahigpit ang bilin ni Tito Mau na huwag kalilimutang isusi ang kuwarto. Siguraduhin din na walang nakakita sa kanya.
Nagpalinga-linga si Gaude. Siniguradong walang tao. Nang matiyak na wala, deretso siya sa kanyang kuwarto. Ibinagsak ang katawan sa kama. Hanggang sa makatulog na siya. Mahimbing na mahimbing.
Walang siyang kamalay-malay na may nakakita sa kanya!
(Itutuloy)
- Latest
















