^

True Confessions

Halimuyak ni Aya (305)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

NANG nakaburol na si Lola Cion ay walang kibo si Sam. Parang hindi pa rin niya matanggap na wala na ang kanyang lola. Parang kailan lang ay masaya silang magkakasama pero ngayon ay dalawa na lamang sila ni Lolo Ado. Ang ikinasasama ng loob ni Sam ay hindi niya naabutang buhay si Lola Cion. At hindi rin nito nahin­tay ang kanyang pagtatapos ng Medisina. Sabi ng kanyang Lola Cion noong nakaratay ito sa sakit at ina­lagaan niya ng isang linggo, hihintayin siyang makatapos ng Medisina. Sabi pa ni Lola Cion, gusto ay siya ang unang pasyente ni Sam.

Napabuntunghininga si Sam. Naisip niya, siguro ay talagang hanggang doon na lang ang buhay ni Lola Cion. Lampas 70-anyos si Lola Cion.

Tumayo si Sam at muling sinilip ang lola sa kabaong. Pinipigil niya ang pag-iyak. Malaki ang sakripisyo ni Lola Cion sa kanya. Ikinuwento sa kanya kung paano ito naghanap ng babaing magpapasuso sa kanya. Bagong silang siya noon. Namatay ang kanyang ina sa panganganak sa kanya. Nahirapang mag­hanap nang magpapadede. May isang nagmagandang loob na pasusuhin si Sam pero pinagbawalan ng asawa nito. Huwag daw ipamigay ang gatas. Natakot ang mabait na babae pero dahil sa awa kay Sam kahit patago ay pinasususo ito.

Ang nakagigimbal ay namatay ang babaing nagpapasuso. Ginulpi ng asawa hanggang mamatay. Problemado na naman si Lola Cion sapagkat wala nang magpapasuso sa apong si Sam.

Hanggang sa dumating si Mama Brenda at ito na ang nag­pasuso kay Sam. Biglang dumating si Mama Brenda at niligtas sa pagkagutom si Sam.

Ang lahat nang iyon ay ikinuwento sa kanya ni Lola Cion noong huli niyang dalawin dahil maysakit. Iyon na pala ang huli nilang pagkikita at pag-uusap. Hindi man lang siya nakapagpasalamat sa kanyang Lola bago namatay.

“Gusto mong kumain, Sam?’’ Tanong ni Aya na nasa kanyang likuran.

“Mamaya na, Aya.’’

“Kagabi ka pa hindi kumakain. Baka magkasakit ka?’’

“Mamaya na lang.’’

Hindi na nagpumilit si    Aya. Alam niya, hindi mapipigil si Sam.

Tatlong araw ang lumipas at inilibing si Lola Cion. Nakadama muli ng kalungkutan si Sam. Nang ipinapasok sa nitso ang kabaong ni Lola Cion, nasambit niya, ‘‘Maraming salamat, Lola.’’

Kinabukasan, kinausap ni Lolo Ado si Sam. Nasa balkonahe sila ng bahay. Natutulog pa si Aya.

‘‘May sinabi sa akin si Lola Cion mo. Mahalaga.’’

‘‘Ano po ‘yon, Lolo?’’

“Gusto niya kayo ni Aya ang magkatuluyan. Gusto niya si Aya na maging asawa mo.’’

“Iyan din po ang sina­bi ni Mama Brenda sa akin bago siya namatay. Magiging maligaya raw siya kung kami ni Aya ang magkakatuluyan.’’

‘‘Payag na payag pala na ikaw ang mapangasawa kaya walang problema.’’

‘‘May problema Lolo.’’

“Ano?’’

“Hindi ko alam kung may gusto rin sa akin si Aya. Ako sigurado ako na mahal ko siya. Siya hindi ko alam kung ano ang damdamin sa akin.’’

Napatingin si Lolo Ado kay Sam at saka napangiti.

“Ako ang bahala, Sam. Ako ang gagawa ng paraan.’’

“Salamat po Lolo.’’

(Itutuloy)

AYA

CION

LOLA

LOLA CION

LOLO ADO

MAMA BRENDA

NIYA

SAM

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with