^

True Confessions

Halimuyak ni Aya (6)

Pilipino Star Ngayon

NAGMAMADALI sa paglalakad si Tatay Ado. Uunahin niyang puntahan ang mga kamag-anakan na may ilang kilometro ang layo sa kanila. Doon siya magbabakasakali. Kahit na medyo kakaiba ang kanyang hihinging tulong sa mga ito, lalakasan na niya ang loob. Siguro naman, walang tatanggi sa kanya lalo na kung mayroong bagong panganak na kamag-anak. Mabuti nga kung sa kamag-anak makasuso si Sam para hindi na gaanong mapabalita ang nangyari sa kanilang buhay. Nakakahiya rin ang nangyari na biglang inabandona ng kanyang manugang na si Ipe ang anak na si Sam makaraang mamatay si Cristy. Marami sa mga kamag-anak niya ang walang alam sa mga nangyari.

Tiyak na kapag nagsabi o humingi siya ng tulong para mapasuso si Sam ay maraming katanungan ang ibabato sa kanya. Pero napaghandaan na ni Tatay Ado ang pagkakataong iyon. Isa lamang ang sasabihin niya kapagh tinanong ang kung nasaan ang ama ni Sam. Sasabihin niya na lumayas na ito. Inabandona ang anak at iniwan sa pangangalaga nila. Tiyak na bubuhos ang simpatya at baka may magbigay pa ng pera sa kanya. Tiyak na may mag-aalok na sa kanya na lamang sumuso si Sam.

Pero kabaliktaran ang nangyari sapagkat wala ni isa mang nag-alok ng tulong mula sa kanyang mga kamag-anak. Nagkamali siya.

“E bakit hindi mo na lang ibili ng gatas, Ado. Pinahihirapan n’yo ang sarili e marami namang gatas,” sabi ng isang pinsan niya.

“Wala kaming ibibili pinsan. Kung meron sana e di hindi na ako makikiusap na pasusuhin ang aking apo. Nagbubukid lamang ako, Pinsan at walang ibibili ng gatas ,’’ sagot naman niya.

“Bakit hindi ang ama ng apo mo ang maghanap ng magpapasuso? Ikaw pa ang inaasahan e matanda ka na?” tanong pa ng isang kamag-anak.

“Wala na ang ama ng apo ko, Pinsan. Inabandona na ang apo ko. Mula nang mamatay ang aking anak sa panganganak, nawalang parang bula.’’

Ang isa ay matapang na nagsabi na kahit daw siya may asawang nanganak, hindi siya papayag na magpapasuso sa iba ang asawa. Hindi niya hahayaang may makasalo pa ang kanyang anak sa suso ng ina. Kahit daw magalit sa kanya si Tatay Ado ay wala siyang pakialam. Basta hindi siya papayag na may sanggol na makasuso sa kanyang asawa.

Ilang kamag-anak pa ang pinuntahan ni Tatay Ado para magbakasakaling may tumulong na pasusuhin ang apong si Sam.

Subalit wala ni isa man ang nag-alok ng tulong. Parang nandidiri pa nang malamang kaya naroon si Tatay Ado ay naghahanap nang masususuhan.

Walang nagawa si Tatay Ado kundi ang umuwi. Pagod na pagod siya. Malayo rin ang nilakad niya.

Sa pagbalik ay naisipan niyang dumaan sa dating bahay ng kanyang anak na si Cristy at Ipe. Mula nang mamatay si Cristy ay hindi na tinirhan ang bahay. Inabandona na rin.

Nang makita ni Tatay Ado ang bahay, napaluha siya. Kung hindi sana namatay si Cristuy ay hindi magkakaganito ang buhay nila. Apektado sila ni Nanay Cion sa mga nangyari. Sila ngayon ang nagkakaroon nang problema kung paano bubuhayin ang apong si Sam.

Hindi rin naman naiwasang sisihin ni Tatay Ado ang manugang na si Ipe. Kung hindi nito hinayaang makapag-saudi si Cristy ay hindi ito magagahasa ng Arabo. At nang magbunga ang panggagahasa ay inabandona naman niya. Siguro kaya namatay sa panganganak si Cristy ay dahil na rin mga problema. Malay ba nila ni Cion kung sinusumbatan ni Ipe si Cristy sa nangyari rito sa Saudi.

Nilisan ni Tatay Ado ang bahay nina Cristy at Ipe.

Nang dumating siya sa kanila ay sinabi niya kay Nanay Cion ang problema. Wala siyang nakitang magpapasuso kay Sam. Walang gustong tumulong sa kanila. (Itutuloy)

ADO

ANAK

INABANDONA

IPE

NIYA

SIYA

TATAY

TATAY ADO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with