Alakdan (278)
DADALAW daw si Kreamy, ayon kay Mam Siony. Hindi lamang daw malaman kung kailan. Masyado raw busy. Nasasabik na rin si Digol na makita si Kreamy. Huli niyang nakita si Kreamy noong nagtago ito sa ilalim ng kama. Siya ang nag-utos na magtago roon si Kreamy para hindi makita ni Mayette. Kung nakita ni Mayette si Kreamy, malaking gulo sana ang nangyari. Iisipin tiyak ni Mayette na may relasyon sila ni Kreamy.
Natatandaan ni Digol, niyaya niyang lumabas si Mayette nang oras ding iyon para makagawa ng paraan si Kreamy na makalabas sa bahay. Kumain sila ni Mayette sa isang restaurant at nang bumalik sila sa bahay ay wala na si Kreamy. Walang nahalata si Mayette na galing doon si Kreamy.
Makalipas lamang ang ilang buwan mula noon ay hiniwalayan na niya si Mayette at sumama nga sa matronang si Consuelo. Sa malayong lugar sila nanirahan. Hindi na nga niya nakita mula noon si Kreamy. Kung noon ay ubod ito ng ganda, gaano pa kaya ngayon.
Naupo si Digol sa sopa. Pinagmasdan ang kabuuan ng salas. Malinis na malinis ang loob ng bahay. Araw-araw ay nililinis niya ito. Maski alikabok ay walang mahihipo sa ibabaw ng mga appliances. Pati ang mga salamin ng bintana ay walang dumi. Napakalinis!
Kaya kapag dumating si Kreamy ay hindi nakakahiya. Tiyak na matutuwa ito sapagkat naalagaang mabuti ang bahay ng kanyang papa.
Ayon kay Mam Siony, mahal na mahal ni Kreamy ang namayapang ama. Lahat daw nang may kaugnayan sa ama, ay mahal nito. Sabi nga ni Mam Siony, matutuwa si Kreamy kay Digol.
Kuntento na si Digol sa buhay. Maligaya na siya. Lahat nang masasamang nangyari sa buhay niya ay hindi na nya binabalikan pa. Hindi na siya naghihimutok na “naputol” ang mahalagang ari niya. Hindi na dapat maghimutok. Kaysa maghimutok, libangin ang sarili. Kaya ang ginagawa niya ay nanonood ng pelikula. Pangako nga pala ni Troy na ibibili siya nang malaking TV flat screen. Para raw nanonood siya sa sinehan.
Isang umaga na abala si Digol sa paglilinis ng comfort room ay nakarinig siya ng tawag mula sa gate. Excited si Digol. Baka si Kreamy na ang tumatawag. Nagmamadali siyang sumilip sa bintana.
Nakita niya ang isang kabataang babae. Mga 15 anyos marahil.
“Tao po! Magandang umaga po!”
Hindi si Kreamy! Sino kaya ang babae. Naisip ni Digol na magpapalimos siguro ang babae. Pero hindi naman mukhang pulubi,
Huwag na niyang pansinin. Tumalikod siya. Pero patuloy pa rin sa pagtawag ang babae.
Nakulili ang taynga ni Digol. Bumalik siya sa bintana para sigawan ang babae.
(Itutuloy)
- Latest