Alakdan(276)
HABANG bitbit ni Digol ang painting ni Mayette patungo sa likod ng bahay, humihingi siya ng paumanhin dito: Sorry, Mayette napag-utusan lang ako…
Inilagay niya ang painting kasama ng mga lumang kahoy at iba pang karton. Kapag dumalaw si Troy ay saka na lamang siya mag-iisip nang dahilan kung bakit niya dinala rito sa labas ang painting. Kailangan ay magan-dang dahilan ang maisip niya. At kailangan ay hindi dapat mababanggit si Mam Siony. Ipinangako niya kay Mam Siony na hindi malalaman ni Troy na siya ang nag-utos na ilabas ang painting.
Habang pabalik sa bahay, iniisip ni Digol kung ano ang magandang dahilan ang sasabihin niya kay Troy. Pero wala siyang maisip. Bahala na. Kapag, narito na si Troy baka naman may bigla siyang maisip.
Pero hindi na pala niya kailangang mag-isip nang magandang dahilan kung bakit inilabas ang painting ni Mayette. Sapagkat dalawang linggo ang nakalipas mula nang ilabas niya ang painting, natagpuan niya ito na inuubos na ng anay. Unang kinain ng anay ang mismong gitna ng canvas kaya nauka agad. Ang tanging nakita sa painting ay ang mukha ni Mayette na nakangiti. Napangiti si Digol pero nakadama rin siya nang panghihinayang sapagkat ang “obra” ni Troy ay kinain lamang ng anay. Muli siyang nag-sorry kay Mayette.
Solb ang problema niya. Sasabihin niya kay Troy kapag dumalaw ito na sinira ng anay ang painting. Kailangang mapaniwala niya na sa loob ng bahay ay may anay at sinira ang painting habang nakasabit. Siguro naman, maniniwala siya. Alam naman ni Troy na mara-ming anay sa bahay na ito. Nang ipaayos niya ito, nakita sa kisame at partisyon ang mga anay. Hindi pa pala lubos na namatay ang mga anay kahit na-treat na ang mga ito.
Nang dumating nga si Troy pagkaraan ng isang linggo, sinabi ni Digol ang nangyari sa painting.
At sa pagkagulat ni Digol, hindi nagpakita ng panghihinayang si Troy sa kanyang ‘‘obra’’. Wala lang.
‘‘Hindi ka nanghihinayang sa painting mo, Pinsan?’’
“Hindi.’’
“Bakit?’’
“Napilitan lang akong gawin iyon. Laban sa kalooban ko…”
(Itutuloy)
- Latest