Alakdan (271)
SI Troy ang pinaka-batang naging head ng art department ng Advertising agency na ang opisina ay nasa Roxas Blvd. Malalaking company ang kanilang kliyente. Nagustuhan si Troy ng may-ari ng ad company dahil sa makabagong pananaw sa larangan ng advertising. Mahusay ang imahinasyon ni Troy na agad naiaakma sa gustong mangyari ng company para sa kanilang ilulunsad na produkto. Kung si Troy ang gagawa ng layout at illustration ng bagong produkto, tiyak na papatok. Kaya naman paniwalang-paniwala ang may-ari ng advertising company kay Troy.
“Mahusay ka talaga, Troy. Dagsa na naman ang kliyente natin. Bilib na talaga ako sa’yo. Kung gusto mong mag-out of the country para naman mabigyan ng pahinga ang brilliant mind mo, you can go. Walang problema sa pamasahe and accommodation. Puwede kang magpunta sa Bangkok o Singapore kaya…”
“Salamat, Bossing. Hindi pa naman ako nabo-bored. Sa ibang pagkakataon na lang.’’
“Okey basta sabihin mo lang para naihahanda ang mga kailangan mo. Kailangan mo rin kasi ang pahinga. Naniniwala ako na kapag sapat ang pahinga ng empleado, mas produktibo siya.’’
“Salamat uli, Sir. Sasabihin ko na lang Sir kapag gusto kong mag-out of the country.’’
“Okey.’’
Hindi pa naman siya nabubugnot sa trabaho niya kaya hindi pa oras para mag-out of the country. Nasisiyahan pa siya kapag nasa unit ng kanyang condo at nililibang ang sarili sa pag-i-sketch. Sa beranda ng kanyang condo siya gumagawa kapag Linggo. Mula sa beranda ay tanaw niya ang Manila Bay. Nasa 15th floor siya kaya tanaw niya ang asul na dagat.
Hanggang sa mayroon siyang pagbuhusan ng panahon. Ini-sketch niyang muli si Kreamy. Yung una niyang ginawang sketch ay sinira ni Mayette. Hindi niya napigilan si Mayette dahil galit na galit ito noon. Lasing. Nakita ang sketch at sinira.
Ngayon ay pinagbuti niya ang sketch. Wala na siyang pinag kopyahan. Sa isip lang niya ang pinagbasehan ng mukha ni Kreamy.
Nang matapos, mas maganda pa sa unang ginawa na may kinopyahang photo ni Kreamy.
Ngayon ay wala nang sisira ng sketch ni Kreamy. Maiingatan na niya ito. Ididespley niya sa salas.
(Itutuloy)
- Latest