“TAMA na ‘yan. Marami ka nang nainom,” sabi ni Troy kay Mama Mayette nang maratnan niyang umiinom ng alak sa salas.
“Kulang pah ngah ang naiinom koh, anoh kah ba?”
“Kulang pa? E iyan nga’t bulol ka na sa pagsasalita. Akina nga yang alak na ‘yan.’’
“Sandalih na lang. Isang shot pah.’’
Nagsalin sa baso si Mayette at tinung-ga. Parang walang anuman nang ubusin ang laman ng baso.
“Masyadoh kah namang OA Troy, para naglilibang lang akoh e.’’
“Yung naglilibang e isang baso lang ang inuubos, e ikaw bote-bote ang nilalantakan.’’
“E sah gusto kong uminom e.’’
Hindi na nagsalita pa si Troy. Baka kung saan lamang mapunta ang usapan nila. Siya na ang nagpapasensiya rito para walang gulo. Kung ano ang gustong gawin sa buhay, hinahayaan na niya. Matanda na ito at hindi na dapat pinaaalalahanan.
Pero talagang lulong na sa alak si Mayette. Sa umaga, alak ang ginagawang kape. Hindi na nito naaayos ang sarili at mukhang tumanda. Epekto marahil ng alak sa katawan. Alcoholic na yata si Mayette.
Sa gabi pagdating niya galing sa trabaho, nakahilata sa sopa at nagkalat ang bote ng alak sa salas. Maruming-marumi ang salas. Sa lababo ay nakatambak ang maraming pinggan na hindi nahuhugasan.
Ano kaya ang nangyayari kay Ma-yette at nalulong sa alak? Nakapagtataka na kung kailan natututuhan na niya itong mahalin at walang balak iwan ay saka naman, nahilig sa alak. (Itutuloy)