PATAGO kung basahin ni Troy ang diary ni Kreamy. Kapag tulog na si Mayette ay saka niya binabasa pero maingat na maingat at baka siya mahuli.
Marami pa siyang nalaman sa buhay ni Kreamy. Noon pa ay ipinahihiwatig na ng kanyang papa ang mga misteryo ng pagkatao niya. Ipinagtaka ni Kreamy ang isang picture na ibinigay ng kanyang papa. May ilang araw pa lamang umano na nakararating ang kanyang papa mula sa Saudi Arabia.
Nakasulat sa diary ni Kreamy:
“Nagtataka ako sa ibinigay na picture ni Papa ilang araw makaraan siyang dumating mula Saudi. Isang picture ng babae na may mga inaalagaang bata ang ibinigay sa akin. Itago ko raw ang picture at huwag ipakikita kahit kanino kahit pa kay mama. Nang tanungin ko kung bakit, saka na lang daw niya ipapaliwanag. Hindi ko na siya tinanong pa ukol sa picture Itinago ko iyon sa aking cabinet ng mga damit…’’
Naalala ni Troy ang picture. Isa iyon sa mga kinuha niya sa kuwarto ni Kreamy noong nakawin niya ang susi sa bag ni Mayette. Bukod sa diary, picture at mga school record ni Kreamy, may mga sulat pa siyang itinago. Hindi pa niya nababasa ang sulat na ang hinala niya ay sulat ng papa ni Kreamy.
Ang mga bagay na iyon ay maingat na itinago ni Troy. Tiniyak niyang hindi makikita ni Mayette.
Binuklat pa niya ang diary ni Kreamy:
“Nakita ko na naman ang paglabas ni Mama sa bahay. Sinundan ko ng tingin at gaya ng dati, patungo na naman sa bahay sa tapat. Alam ko na kung sino ang pangalan ng lalaki — si Digol. Sa unang tingin ko pa lang kay Digol, alam kong pera lang ni Mama ang gusto niya. Sabagay ano pa ba ang aasahan sa ganoong klaseng relasyon? Mayroon pa bang hahangarin ang lalaking malaki ang kabataan kay Mama kundi ang pera?”
Binuklat pa ni Troy ang diary. Nagulat siya sa sunod na binasa:
“Balak kong kausapin ang lalaking kinahuhumalingan ni Mama. Sasabihin ko, tigilan na niya si mama. Maghanap na lang siya ng ibang babae at huwag si mama. Kawawa naman ang Papa ko. Iyan ang sasabihin ko…’’
Huminto si Troy sa pagbabasa. Nakausap kaya ni Kreamy si Digol? Pero bakit wala namang nasabi si Digol. Maski ang tungkol kay Kreamy ay walang nasabi si Digol. Baka naman hindi niya nakausap si Digol.
Binuklat uli ni Troy ang diary. Nagulat uli siya sa nabasa:
“Pinuntahan ko si Digol sa bahay niya. Naabutan ko siya na nagbabasa ng diyaryo. Nang makita ako ay kumislap ang mga mata. Parang mayroon siyang iniisip…”
(Itutuloy)