Alakdan (145)

KUMALAM ang tiyan ni Troy nang ma-imagine na maraming pagkain sa bahay ni Mayette. Tiyak na maraming pagkain doon sapagkat mara­ming pera. Natatandaan niya na ipinagbili lahat ang lupain na pag-aari ng asawa. Wala na yatang itinira sapagkat baka raw bigyan pa siya ng problema kapag namatay ang asawa. Kaya noong naka­ratay ang asawa dahil sa atake sa puso ay ipinagbili na ang mga lupain sa Mogpog at sa Oas. Natatandaan pa rin niya na maraming alahas si Mayette. Lahat daw iyon ay binili ng asawa noong nasa Saudi pa. Bukod sa mga lupain at alahas ay mayroon pa yatang pa­upahang bahay si Mayette. Itong bahay na tinitirhan niya ay isa lang sa mga paupahan.

Napalunok si Troy. Marami talagang pera si Mayette. Naalala niya nang pahiramin siya nito noong namatay ang kanyang itay at inay. Balewalang binigyan siya ng cash nang araw na umuwi siya ng probinsiya. At noong nakaburol na ang kanyang mga magulang pinadalhan pa siya. Kaya baka ang utang niya kay Mayette ay mga hundred thousand. At hindi siya sinisingil. Parang bigay na sa kanya ang pera.

Iyon nga lang, sunud-sunod ang pang-aakit sa kanya. Binuyangyang na ang lahat sa kanya. Pero mataas nga ang “pride chicken” niya kaya kahit na anong panunukso at pakiusap ay tinanggihan niya. Nangako rin siya kay Kreamy na hindi na da­dagdagan ang kasalanan ng nakilalalang “ina”. Ngayong wala na si Kreamy, parang gusto na niyang kalimutan ang nasabi kay Kreamy. Hindi naman siya matutulungan ni Kreamy ngayong humahapdi ang sikmura niya.

Kumalam muli ang tiyan­ niya. Hindi na niya kaya. Bumangon siya at nagtungo sa bahay ni Mayette.

“Mayette! Mayette!”

(Itutuloy)

Show comments