Alakdan (78)
MABILIS na nagtungo sa isang punerarya si Troy. Madali naman silang nagkasundo sa babayarang serbisyo para sa kanyang ama at ina.
Ilang sandali pa at pabalik na sila sa ospital para kunin ang mga bangkay.
Binayaran ni Troy ang mga dapat bayaran sa ospital. Ang pera na binigay sa kanya ni Mayette ay halos maubos sa pinagbayaran sa ospital. Pero hindi muna inisip ni Troy ang mga susunod na problema ukol sa pagkakagastusan. Ang mahalaga ay mabigyan muna ng serbisyo ng punerarya ang kanyang ama at ina. Gusto niya maisaayos muna ang bangkay ng kanyang mahal na magulang. Kailangang nasa ayos ang mga katawan ng mga ito.
Bago magtanghali ay naisaayos ang lahat. Nasa maa-yos na mga kabaong ang ama at ina. Magkatabi sa katamtamang laki ng funeral home.
Maya-maya pa, dumagsa na ang mga nakikiramay. Mga kamag-anak at kaibigan ng kanyang ama at ina.
Marami ang hindi makapaniwala na sabay na mamamatay ang ama at ina ni Troy. Ano raw ang nangyari? Ano ba ang sakit ng mag-asawa at biglang-bigla ang pagkamatay?
Ang pinsan ni Troy na si Maricel ang nagpaliwanag sa maraming katanungan. Si Troy ay nakabantay sa kabaong ng ama at ina. Kung maaari, ayaw niyang iwanan ang mga magulang. Hindi pa rin siya makapaniwala na patay na nga ang mga ito. Gusto niyang isipin na panaginip lamang ang lahat.
KINABUKASAN, unti-unti nang natatanggap ni Troy ang lahat. Wala na nga ang kanyang mga magulang at dapat kumilos siya. Kailangang gumawa siya ng paraan para may gastusin sa paglalamay. Kailangang bumili ng pagkain para sa mga taong nakikiramay.
Kailangang tawagan niya si Mayette. Kailangan niya ang tulong nito. Hindi na uso ang hiya sa ganitong pagkakataon. “Kapit sa patalim” na siya.
“Hello Mayette?”
“Troy! Ano? Kumusta?’’
“Nakaburol na sina Itay at Inay.’’
“Mabuti naman.”
“May problema pa Mayette…”
“Alam ko. Pambayad sa punerarya at gastos sa pag-lalamay ano?”
“Oo Mayette.’’
“Sige. Padadalhan kita ng pera. I-text mo sa akin ang address mo diyan at mamaya lang may darating sa iyo.’’
“Salamat, Mayette.’’
“Huwag mo munang sabihin kung kailan ka magbabayad dahil magagalit ako sa’yo. Okey, Troy? Relaks ka lang. Lilipas din ‘yan.’’
“Oo, Mayette.’’
“Kailan ang balak na li-bing?”
“Sa Linggo.’’
“Sige. Mag-text ka lang o tawagan ako kung may problema.’’
“Oo, Mayette.’’
Nang matapos ang kanilang pag-uusap, pakiramdam ni Troy ay nakasangla na ang sarili niya kay Mayette. Hanggang leeg ang utang niya kay Mayette.
Agad na natanggap ni Troy ang perang padala ni Mayette. Nakabili siya ng mga pangangailangan para sa mga naglalamay. Sobra-sobra ang perang padala ni Mayet.
LINGGO, eksaktong alas dos ng hapon, inilibing na sa public cemetery ang mga magulang ni Troy. Magkatabi ang mga ito. Iyon ang pinaka-malungkot na araw para kay Troy.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending