Alakdan (46)

“Bakit Mayette?” Tanong ni Troy habang nakasilip sa awang ng pinto.

“May itatanong lang. Bilisan mo d’yan ano?”

Inilapat uli ni Troy ang pinto. Nagmamadali siyang nagbanlaw. Nagpunas ng tuwalya at nang matuyo ang katawan ay nag-brief at saka nagshort. Binuksan ang pinto at lumabas.

Nasa may pinto pa pala si Mayette. Mabuti na lang at hindi nagpumilit na pumasok sa banyo. Mukhang masama ang mood. Hindi ngumingiti.

“Bakit Mayette?”

“Sinabi mo ba kay Digol na nakaalis na ang asawa ko?”

“Hindi.”

“Bakit parang alam niya na?’’

“Wala akong sinasabi sa kanya, Mayette. Di ba yun ang mahigpit mong sinabi sa akin.’’

Natahimik si Mayette. Nag-isip.

“Nagkita ba kayo ni Digol, Mayette?”

“Oo. Pinuntahan ko siya sa inuupahan niya. Galit nga sa akin. Tapos ay sinabi na niloloko ko raw siya.’’

“Nag-away kayo?”

“Hindi. Gusto ko ngang awayin na kaya lang baka kung ano ang mangyari. Nagsasawa na ako sa gagong iyon. Akala yata, masarap pa siya…”

Hindi makapagsalita si Troy. Mukhang seryoso si Mayette.

“Talagang wala kang binabanggit, Troy?”

“Wala.’’

“Baka hinuhuli lang ako ano, Troy?”

Napatango si Troy.

“Paano kaya ako makakakalas sa gagong iyon. Hindi na ako, nasisiyahan sa kanya…”

Naisip ni Troy, delikado kapag nalaman ito ni Digol. (Itutuloy)

Show comments