MABILIS lumipas ang panahon. Isang taon na ang lumipas at luma-lakad na si Rovert.
“Parang kailan lang ay nasa tiyan mo si Ro-vert pero ito at naglalakad na ngayon. Mamaya lang e nag-aaral na ito,” sabi ni Trevor habang pinanonood nila ni Thelma ang anak na naglalakad sa salas. Marahang naglalakad na parang babagsak si Rovert.
“Oo nga. Napakabilis lumipas ng araw.”
“Napapansin mo ba na habang lumalaki si Rovert ay parang nagiging magkamukha sila ni Trev?”
Tumango si Thelma.
“Tama ang sabi ni Trev noon. Kapag daw lumaki si Rovert ay para na silang pinagbiyak na bunga.”
“Magkapatid kasi kaya magkamukha.”
“Oo nga pero masyadong malapit ang pagkakahawig ng dalawa. Di ba kung magkapatid lang naman sila sa ina.”
Hindi agad nakasagot si Thelma.
“Sabagay ano ba naman ang ipagtataka ko e mabuti nga at magkamukha sila. Parang walang sense ang mga napapansin ko ano, Thelma?”
Ngumiti lang si Thelma. At hinawakan sa braso ang asawa. Nakikita na kaya ni Trevor na si Trev at si Rovert ay iisa ang ama. Sa mga pagtatanong ni Trevor ay parang may hinalang namumuo. Paano pa nga kung tuluyan nang lumaki si Rovert at parang pinagbiyak na sila ng kapatid na si Trev?
MINSANG galing sa Maynila si Trevor ay may sinabi kay Thelma.
“Naiisip ko, mag-retiro na sa pagtuturo at tulu-ngan na lamang kita sa negosyo mo rito, Thelma.”
“Paano si Trev? Mag-iisa siya sa Maynila?”
“Graduating na siya, Thelma. Kaya na niyang mag-isa sa Maynila. Siya rin ang nag-suggest sa akin na dito na raw ako sa probinsiya para may kasama kayo ni Rovert.”
(Itutuloy)