“MAY kamandag pala si Trevor Buenviaje!”
Iyon ang nasabi ni Trevor nang nasa kuwarto na sila at nag-uusap nang masinsinan.
“Naka-assemble ako,” sabi pa at hinimas-himas ang dakong tiyan ni Thelma. “Bukas e dadalhin kita sa OB-Gyne para ma-check-up ka. Kailangang maalagaan ka nang husto para maging malusog ang baby natin.’’
“May alam akong doctor at mahusay daw.”
“Doon tayo pupunta. Balak ko nga palang mag-leave muna sa pagtuturo habang nagbubuntis ka. Gusto ko maalagaan ka. Ako muna ang magmama-nage sa negosyo mo.’’
“Kaya ko naman ang magtrabaho sa tindahan. Sayang naman kung titigil ka sa pagtuturo.”
“E kung mapagod ka dahil sa pag-aasikaso sa negosyo mo?’’
‘‘Hindi naman siguro.’’
“Basta magli-leave muna ako.’’
“Paano si Trev? Sinong kasama niya sa Maynila?”
‘‘Hindi na bata si Trev, Thelma. Saka matalino yan, alam ang mga gagawin sa buhay.’’
‘‘Nag-aalala kasi ako kapag mag-iisa siya sa Maynila.’’
‘‘Dadalawin ko na lang siya roon. Don’t worry dahil marami na akong tip sa kanya para makaiwas sa mga panganib o gulo.’’
Hanggang sa mabaling ang usapan sa kanyang panganganak.
“Sana mabilis lang ang panganganak ko, Trevor. Yun bang isang tulak lang palabas.”
“Itatanong natin sa doktor ang mga gagawin.’’
KINABUKASAN, masaya sina Thelma at Trevor matapos ang check-up. Sabi ng Ob-Gyne ay wala namang problema si Thelma. Iwasan lang ang sobrang matamis sa pagkain at baka lumaki ang bata. Kailangan din daw ang mild exercises para hindi mahirapang manganak.
Si Trev ay excited makaraang malaman na buntis ang kanyang mama. Magkakaroon na siya ng kapatid.
Hanggang sa dumating ang kinasasabikang araw ni Trevor — ang panganganak ni Thelma.
Isinugod niya ito sa ospital. Wala si Trev at nasa Maynila. Nang nasa delivery room na si Thelma ay hindi mapakali si Trevor. Sana makaraos nang matiwasay si Thelma. Ano kaya ang anak nila? Nasasabik siya.
Tumayo at umupo si Trevor sa upuan. Hindi pa masiyahan ay maglalakad sa pasilyo. Pabalik-balik.
Hanggang sa mapansin siya ng isang lalaki na nakaupo at tila naghihintay din sa panganganak ng asawa.
(Itutuloy)