Thelma(152)

NANG magkaroon ng pagkakataon si Trev ay muling kinausap nang masinsinan ang inang si Thelma. Kunwari naman ay patay-malisya si Thelma.

“Ma, hindi ko pa nasasabi sa’yo kung sino yung babaing mahal na mahal ngayon ni Sir Trevor…”

Kunwari ay nagtataka si Thelma.

“Sino ba yun? At saka bakit sa akin mo sina- sabi Trev?”

“Kasi’y ikaw ang babaing mahal ni Sir Trevor. Sinabi niya sa akin…”

“Naku ano ba yang sinasabi mong yan Trev at akoy kinikilabutan. Kasi’y eto ba namang edad kong ito ay pag-iinteresan pa. Diyos ko!”

“’Ma huwag kang ki­labutan dahil totoo itong sinasabi ko. Paniwalaan mo ako.”

“Trev ako’y hindi na naniniwala sa mga lalaki. Hindi natin alam kung anong pagkatao meron yang manunulat at propesor na ‘yan.”

“’Ma ako ang nakakakilala sa kanya. Mabu-ting tao at binata. Walang sabit.”

“Siyempre naman ay yun ang sasabihin niya para magustuhan siya. Meron ba namang nanligaw na siniraan ang sarili?”

“Maniwala ka sa akin ‘Ma. Kaya nga gustong-gusto niyang pumunta rito ay dahil sa iyo. Kung magugustuhan mo raw siya ay handa kang pakasalan. Talaga raw gustung-gusto ka.”

Napailing-iling si Thelma. Ginalingan niya ang pag-arte. Hindi siya dapat mahalata.

“Sabihin mo sa kanya na dalawang beses na akong nag-asawa at pa-wang ang mga napangasawa ko ay namatay. Gusto ba niyang mapabilang sa mga lalaking namatay?”

Nag-isip si Trev. Nakatingin lamang sa ina.

“Unang namatay ay ang papa mo, pagkatapos ay ang papa Caloy mo. Baka siya naman ang sumunod. Gusto mo bang mamatay ang paborito mong pro-pesor?”

Napalunok si Trev. Matagal na nakatitig sa ina.

“Sabihin mo sa kanya ang mga sinabi ko Trev. Ipaliwanag mo.”

“Opo ‘Ma. Sasabihin ko.”

“Sabihin mo na ibaling na lang sa iba ang pag-ibig niya. Huwag sa akin na madaling mabiyuda.”

Tumalikod si Trev. Tinungo ang silid na kinaroroonan ni Sir Trevor.

Nakangiti naman si Thelma. Kinikilig sa magiging sagot ni Sir Trevor.

(Itutuloy)

Show comments