“WALA naman akong pananagutan sa iba, Thelma. Binata pa rin ako hanggang ngayon. At ikaw naman, biyuda. Palagay ko, tayong dalawa talaga ang magkabagay.”
Nalilito si Thelma. Hindi niya alam kung nagsasabi ng totoo si Trevor Buenviaje. Binata raw siya. Bakit sa isang biyuda ang gusto niya? Marami namang da-laga at may pinag-aralan. Yung nababagay sa kanya.
“Mahabang panahon na ang nakalipas pero akalain mo, nagkita pa rin tayo Thelma. Kasi kung hindi talaga tayo para sa isa’t isa e di sana naghanap na ako ng makakasama sa buhay…”
“E bakit nga hindi ka naghanap ng makakasama?” Tanong ni Thelma.
“Hindi ko alam. Basta nang mangyari ang pag-kabigo ko kay Mam Mina, hindi na ako nagkaroon ng interes na tumingin sa iba. Natuon sa pagsusulat at pagtuturo ng Malikhang Pagsulat sa UP ang panahon ko. At isa pa, ang hinahanap ko ay babaing mas may edad at may karanasan sa akin. Si Mam Mina ay minahal ko kahit mas matanda sa akin. Aywan ko kung bakit naiinlab ako sa may edad sa akin.”
“Kaya mo ako binabalikan?”
“Oo. May kakaiba kang halina sa akin, Thelma. Basta malakas ang atraksiyon sa akin ng mas matanda sa akin. Hindi ba’t may mga babae rin naman na mas gustong kapiling ang lalaking mas matanda sa kanila.”
Nalilito pa rin si Thelma.
“Gusto kong may kasama Thelma. At ikaw ang gusto kong kasama. Kung magkasama na tayo, siguro magkakaroon na ng sigla ang buhay ko.”
“Paano ka nakasiguro?”
“Nararamdaman ko.”
“Hindi ka natatakot, Trevor na magkaroon ng kaugnayan sa akin?”
“Bakit naman ako matatakot?”
“Dalawang beses na akong namamatayan ng asawa. Baka ikaw ang sumunod kapag tinanggap kita.”
“Hindi ako naniniwala sa pamahiin, Thelma.”
Tumahimik si Thelma. Pero makaraan ang ilang saglit ay nagtanong muli.
“Kahit may anak na ako, okey pa rin sa’yo?”
“Ano namang masama nun. Mas maganda nga dahil ituturing kong parang tunay na anak ang anak mo. At saka malay mo baka naghahanap siya ng ma-yayakap na ama…”
(Itutuloy)