SINAUNANG yari ang bahay ni Lola Imang. Tabla ang dingding at yero ang bubong. Walang bakod sa paligid. Ang pinaka-bakod ay mga gumamela na pantay-pantay. Alagang taba-sin at siguro ay pinagkukulahan ng damit. Sa unahan ng bahay ay ang maliit na tindahang sari-sari.
“Ito ang bahay ko, Trevor. Matagal na yan pero matibay. Ang mga haligi kasi ay mga matitibay na kahoy,” sabi ni Lola Imang.
“Sino po ang kasama mo sa bahay, Lola?’’
‘‘Yung apo kong si Virgilio. Nag-aaral na sa high school, first year.”
‘‘Ilan po ang anak mo, Lola?’’
“Dalawa. Yung tatay ni Virgilio at yung isa pang babae na nasa Mindoro.”
Pumasok kami sa bakuran.
“Virgilio! Virgilio!” tawag ni Lola Imang.
“Po!”
“Buksan mo Utoy ang pinto at may kasama akong tao.”
Maya-maya ay bumukas ang pinto. Sumungaw si Virgilio. Payating bata.
“Hindi mo na ako nasundo Utoy, mabuti at tinulungan ako nireng si Trevor.”
“Nag-aaral po ako Lola ng leksiyon namin. May eksam po kami.”
‘‘A ganun baga. Ay siya sige mag-aral ka na uli. Tayo baga Utoy ay mayroon pang sinaing?’’
“Opo. Nagsaing ako.”
“Aba ay mabuti. Magluluto na lang ako ng ulam para may maipakain sa bisita natin.”
Pinagpahinga ni Lola Imang si Trevor sa salas ng bahay.
‘‘Diyan ka laang muna Trevor at magluluto lang ako. Sandali lang ito.”
“Sige po Lola. Hindi pa naman ako gutom.’’
“Magbiskuwit ka muna at softdrink.”
“Huwag na po.’’
Nang makaluto si Lola Imang ay agad tinawag si Trevor sa kusina. Nalanghap ni Trevor ang mabangong kanin na bagong saing.
‘‘Kumakain ka ba ng ginataan na tulingan, na may talbos ng kamote, Trevor?’’
“Opo. Masarap po ‘yan. Lalo kapag may patis.”
“Merong patis Balayan dito.”
“Paborito ko po ‘yan Lola.”
“Siya sige, kain na.’’
“Si Virgilio po isabay na natin siya.”
“Mamaya pa yun kakain. Sige na kain na. Masarap ang ginataang tulingan kapag mainit ang kanin. Ani sa bundok ang bigas namin, Trevo.”
“Kaya po pala ang bango. Walang bigas na ganito sa Manila, Lola Imang. Pawang imported ang bigas doon, galing Vietnam.”
“Noong nabubuhay pa ang kapatid kong si Dionisio ang pagtatanim ng palay sa kaingin ang trabaho niya. Kaya laging masarap ang bigas namin. Napakasipag ng kapatid kong iyon. Kaya lang, dahil sa kakatihan ng asawa niya ay nagkasira-sira ang buhay. Siguro kung hindi nangyari iyon ay baka buhay pa siya ngayon.’’
“Paano po ba ang nangyari Lola Imang?”
“Nahuli nga niya ang kanyang asawang si Lolit habang dinadale ni Alex…”
‘‘Sino po si Alex?’’
‘‘Bunsong anak ni Dionisio.’’
(Itutuloy)