Takaw (40)

SIGURO’Y patuloy pa rin ang pagkikita ni Dick at Ella sa Cavite kaya hindi na ito nakadadalaw sa kanya. Sabi ni Dick kahit na narito ang asawa ni Ella, hindi mapipigilan ang kanilang relasyon.

Pero mali ang akala­ ni Trevor Buenviaje sapagkat makalipas ang anim na buwan, biglang sumungaw si Dick. May dalang inumin. Mukhang masaya ang loko. Mukhang ma­raming pera.

“O bigla kang nabuhay, Dick. Ano ang balita?”

“Eto Pareng Trevor, mabuti naman.”

“Tuloy pa rin kayo ni Ella?”

“Hindi na Pareng Trevor. Ang totoo wala na akong balita sa kanya.”

“Ibig mong sabihin, hindi mo alam na umalis na siya rito sa inuupahan niyang bahay?”

“Alam ko, Pareng Trevor. Alam kong lumipat na sila sa Cavite. Pero dahil nakonsensiya na ako, hindi ko na sinunod ang “katakawan” ko. At alam mo ba kung ano ang natuklasan ko kung bakit nagpasya na akong lumayo kay Ella?”

“Ano?”

“Napakabait pala ng asawa ni Ella. Marami palang natulungan sa Saudi. Yung mga DH na minamaltrato roon siya ang tumulong. Sobra palang bait ng taong iyon. Napag-isip-isip ko, dapat na akong lumayo kay Ella. Hindi tama ang ginagawa ko na dahil sa “katakawan” pati asawa ng may asawa, pinakialaman ko. Nagi­sing din ako dahil sa mga ipinayo mo, Pareng Trevor. Kailangang gumawa ako at huwag umasa sa iba.”

Napangiti si Trevor. Salamat at nagbunga ang kanyang mga sinabi rito.

“O e ano ang pinagkakaabalahan mo ngayon, Dick?”

“Nang umuwi ako sa aming probinsiya, may nakilala akong biyahera. Mas may edad kaysa akin. Mayaman pala. Naging siyota ko. Mag-asawa na kami ngayon Pareng Trevor.”

(Itutuloy)

Show comments