NAGPATULOY sa pagkukuwento si Delmo tungkol kay Tommy. At mas ganadong magkuwento nang maka-shot ng lambanog. Sa salas na nito itinuloy ang pagkukuwento. Nasa harap nila ni Trevor ang lambanog at ang pulutang litson. Si Thelma naman ay pabalik-balik. Pupunta sa salas at saka babalik sa kusina. Nakasulyap lagi kay Trevor.
“Sabi ko kay Pareng Tommy, hulihin niya sa akto ang dalawa pero huwag siyang gagawa ng anumang masamang hakbang dahil baka magsisi lang siya. At sabi naman niya e kaya niyang kontrolin ang sarili.
“Ang payo ko kay Pareng Tommy ay hiwalayan si Mareng Lina kapag nahuli. Madami namang babae. May itsura rin naman siya kaya madali niyang mapapalitan ang ‘makati pa sa gabi’ na asawa niya. Tumango lang si Pareng Tommy. Hindi kasi pala- imik si Pareng Tommy.
“Hanggang sa mabalitaan ko sa kanya na rin mismo na nahuli niya ang dalawa na nagtatalik. Sinundan daw niya ang mga ito isang tanghali. Ang paalam daw sa kanya ni Mareng Lina ay maglalaba sa ilog. Pero hindi pala. Sa tabing ilog daw nagtatalik ang dalawa. Nahuli niya sa akto na magkapatong.
“Nagtatakbo ang helper at si Mareng Lina ang naiwan. Nag-iyak daw nang nag-iyak si Mareng Lina at humingi ng tawad sa kanya. Natangay lamang daw siya. Nang tanungin daw ni Pareng Tommy ang asawa kung totoo nga bang pinsan ang helper ay nagtapat na talaga raw magpinsan sila. At ayon pa sa asawa, hindi raw niya alam kung bakit siya pumatol dito. Siguro raw ay may inilagay na kung anong gayuma sa pagkain at inumin kaya siya napapayag na makipagtalik. Pero hindi na raw mangyayari iyon. Nagsisisi na raw nang labis sa nangyari.
“Mabait talaga si Pa-reng Tommy dahil pinatawad si Mareng Lina. Nagsama sila. Hindi na kumuha ng helper si Pareng Tommy dahil natakot na.
“Pero talaga yatang nasa dugo ni Mareng Lina ang pangangaliwa. Akalain mo bang patuloy pa pala itong nakikipagkita sa pinsan. Nasabi sa akin ni Pareng Tommy na siguro raw ay wala na siyang magagawa sa kanyang asawa kaya hahayaan na lamang niya ito. Ipinayo ko na hiwalayan na niya.
“Hanggang sa mangya-ri nga ang karumal-dumal na balita. Natagpuan ang mga katawan ng magkalaguyo na pugot ang ulo. Sa bahay mismo ni Pareng Tommy nangyari. Ayon sa isang nakakita, nagpaalam daw si Pareng Tommy ng umagang iyon na bibili ng abono sa bayan pero may nalimutan yata kaya bumalik. Pagbalik, naabutan na hubo’t hubad ang asawa at helper na magkapatong. Doon na nangyari ang malagim na krimen. Nagpakamatay naman si Pareng Tommy. Nagsaksak sa sarili — sa puso ang tama.”
(Itutuloy)