“HUWAG na Trevor. May pagkain pa naman diyan. May alaga akong manok na puwedeng patayin at ilaga ni Thelma.”
“Huwag mo nang utusan na magluto ang misis mo, Delmo. Eto na ang pambili.”
Iniabot ni Trevor kay Thelma ang P500. Kinuha naman ni Thelma.
“O bibili na lang ako ng pagkain natin, Delmo?”
“O sige hindi mapigil si Trevor e. Bahala ka na kung ano ang bibilhin mo. Basta masarap.”
“Magpapaluto ako.”
Umalis si Thelma na hawak ang P500.
Sinimulan na ni Delmo ang pagkukuwento sa la-laking pumugot sa ulo ng asawa at kalaguyo nito.
Kaibigan nga raw niya si Tommy. Magtatraysikel din daw dati si Tommy pero nang makabili nang kapirasong lupa ay nagtanim na lamang ito ng mga gulay at iniluluwas sa bayan at pinagkakakitaan. Masipag daw si Tommy. Ang asawa raw nitong si Lina ay tumulong na rin sa pagtatanim ng gulay. Nang kumikita na raw nang husto ang gulayan ay ipinasya ni Tommy na sa bukid na manirahan para maalagaan ang mga tanim.
“Bakit saan ba sila nakatira dati, Delmo?”
“Diyan sa tabi namin. Kaya nga alam na alam ko ang istorya ng buhay ni Pareng Tommy.”
“Ipinagbili na nila ang bahay at lupa nila?” tanong ni Trevor na tila ba atat na siyang malaman ang istorya. Sa palagay niya, kapana-panabik ang istorya ni Tommy.
“Oo, pinagbili nila para raw matutukan ang kani-lang taniman.”
“Paano mo nasubaybayan ang buhay ng kaibigan mo e nasa bukid na pala sila.”
“Ako ang naghahakot ng gulay nila. Mga limang kilometro lang mula rito ang layo ng bukid nila. Sabi ni Pareng Tommy, kaysa raw sa iba pa niya ipahakot ang mga gulay e di sa akin na para may kitain.”
“Araw-araw ba ay naghahakot ka ng gulay?”
“Oo. Kasi, malawak na ang gulayan nila. Nabili na nila ang katabing lupa.”
“Paano naman nagkaroon ng kalaguyo ang asawa ni Pareng Tommy mo?”
“Yung kalaguyo ni Mareng Lina ay ang mismong katulong nila sa gulayan.”
“Ano ni Tommy ang la-laki?”
“Ayon sa kuwento sa akin ni Pareng Tommy ay pinsan daw ni Mareng Lina yun. Galing daw sa Quezon yun.”
“Paano nalaman ni Tommy na magkalaguyo ang dalawa?”
“Ako mismo ang nagsumbong. Nahuli ko kasi sila.” (Itutuloy)