NATAPOS ang kuwento ni Frank kaya panibagong kuwento na naman ang tatrabahuhin ni Trevor Buenviaje.
Nag-search uli siya sa Arhives ng isang tabloid. Isang balita noong 2009 ang nabasa niya. Tungkol sa isang misis na pinugutan ng ulo ng kanyang asawa dahil nahuli itong nakikipagtalik sa kumpare. Pinugutan din ng ulo ang kumpa-re. Pero ang masaklap matapos patayin ng lalaki ang dalawa ay nagpakamatay din ito. Madugo ang kuwento. Nangyari ang krimen sa isang maliit na bayan sa Laguna.
Nagkaroon ng interes si Trevor Buenviaje sa balitang iyon. Kaya lamang, hindi niya alam kung saan ang bayang iyon sa Laguna. Tila hindi sikat ang bayan. Noon lang niya narinig ang bayan na iyon. Pero dahil interesado si Trevor Buenviaje sa kuwento, bumili siya ng map para malaman kung saang lupalop naroon ang bayan. Nakita niya ang lugar sa mapa. Pero ang problema ay kung saan ang daan patungo roon. Nagtanung-tanong siya. Mayroong tinawagan na kaibigan sa telepono. Hanggang sa ituro sa kanya. Malapit lang daw iyon sa San Pablo.
Kinabukasan din ay umalis si Trevor Buenviaje patungong San Pablo. Habang nakasakay sa bus patungong San Pablo ay binabalangkas na niya sa isip ang mga itatanong sa mga taong may kinalaman sa pangyayaring iyon. May kahirapan ang gagawin niyang ito dahil patay na ang mismong gumawa ng krimen pero para kay Trevor, mala-king challenge ito. Siguro naman ay may mga kamag-anak ang lalaki. Baka may mga ma gulang pa ito na maaaring makapagkuwento ng nangyari. Pakikiusapan niyang mabuti ang mga taong nakaaalam ng buong pangyayari.
Eksaktong alas-diyes ay nasa San Pablo siya. Nagtanung-tanong siya kung saan ang sakayan ng dyipni patungo sa sa-sadyaing bayan. Itinuro sa kanya.
Kulang-kulang na isang oras ang biyahe patungo sa bayang iyon. Sa tapat ng school bumaba si Trevor. Nagtanung-tanong siya kung saan matatagpuan ang bahay ng lalaking napabalita noong 2009 na nagpakamatay matapos patayin ang asawa at kalaguyo.
Naalala pa ng pinagtanungan niya ang tungkol sa pangyayaring iyon kaya naging madali kay Trevor ang paghahanap. Sa kasunod na barangay siya itinuro. Nagtraysikel siya. Alam pala ng traysikel drayber na sinakyan niya ang pangyayari.
“Bakit mo alam, Pare?” tanong ni Trevor Buenviaje.
“Kaibigan ako ng lalaking nagpakamatay.”
Napangiti si Trevor. Sinusuwerte yata siya. Hindi na pala siya kaila-ngang lumayo pa.
‘‘Matutulungan mo ba ako Pare. Isa akong manunulat. Ang ginagawa kong kuwento ngayon ay tungkol sa mga magkakalaguyo. Itong nangyari rito ay gusto kong isulat. Puwede ba kitang inter- byuhin ukol sa nangya-ring iyon.”
“Walang problema.”
“Babayaran na lamang kita sa kikitain mo sa pagtatraysikel basta ikuwento mo sa akin ang mga nangyari.”
Pumayag ang traysikel drayber.
(Itutuloy)