“KINABAHAN daw si Mama sa sinabi ni Papa na pupunta sila sa kanilang bahay para sabihin sa ina nito (Misis Chan) ang ginawa nilang pagpapakasal. Sabi ni Mama kay Papa, baka raw siya lait-laitin ng ina nito. Pero sabi ni Papa kapag ginawa iyon ni Mama, lalayas na siya sa kanila. Hindi raw niya iiwan si Mama…
“Sa sinabing iyon daw ni Papa nawala ang pa-ngamba ni Mama. Biglang napawi ang alalahanin. Naniniwala raw siya kay Papa. Ilang beses na niyang napatunayan ang katapatan ni Papa.
“Nagbihis daw agad si Mama at masaya silang umalis para magtungo na sa bahay nina Papa. Nag-dyipni sila. Habang nasa dyipni, ay masaya raw siyang kinakausap ni Papa. Tila raw ba inaalis ang kanyang nadaramang takot sa pagharap kay Misis Chan. Sabi pa raw ni Papa kapag daw nakita ng mommy niya na halata na ang kabuntisan ni Mama ay lalambot ang puso nito. Siyempre, sabik na raw magkaapo ang mommy niya. Tanong daw ni Mama, paano kung kabaliktaran ang mangyari. Paano raw kung sa halip na tanggapin ay palayasin sila. Sagot daw ni Papa, e di lumayas. Walang problema kung ayaw silang tanggapin. Tanong uli ni Mama, paano ang pag-aaral niya ng Medicine kapag pinalayas sila. E di hindi na siya mag-aaral. Tutal naman daw at hindi niya hilig ang Medicine. Ang mommy lang daw niya ang may gusto niyon. Mas gusto raw ni Papa ay magnegosyo. Gusto raw niya ay magpatakbo ng sari-ling negosyo.
“Nadagdagan na naman ang paghanga ni Mama kay Papa dahil sa sinabi nito. Hindi siya nagkamali. Talagang mahal na mahal siya ni Papa.
“Nagulat daw si Mama nang tapikin siya ni Papa. Malapit na raw sila. Ayusin na raw ni Mama ang sarili. Tiyak daw na nasa bahay ang kanyang mommy. Mula raw nang mamatay ang kanyang daddy ay laging nasa bahay si Misis Chan.”
(Itutuloy)