MAY nananalaytay ding dugo ng Chinese kay Viah. Naisip ni Lorena, anong kababalaghan ito na kapwa sila pinagtagpo ng anak na si Edel? Pero siguro, hindi magkatulad kung paano sila nilalang? Maaaring ang ama ni Viah ay isang tunay na tao at hindi demonyo gaya nang nagsamantala sa kanya kaya nalikha si Edel.
“’Ma, magna cum laude si Viah nang maggraduate sa UP. Mas nauna ako ng isang taon sa kanya pero same course. Sa may Sunken Garden nga kami nagkakilala. Pareho kami nagdo-dorm.”
“Talaga? Mukha naman talagang napakatalino ng mamanugangin ko. Hindi ko nga alam kung paano mo siya nabola, Edel.”
“Correction, ‘Ma, siya ang nambola sa akin.”
Nagtawa sina Lorena at Viah.
“Kain ka pa, Viah. Huwag kang mahihiya.”
“Naku hindi po.”
“Dito ka na matutulog at bukas na lang kayo nang maaga lumuwas patungong Maynila. Okey lang ba? Hindi ka ba hahanapin ng mama mo?”
“Naku hindi po. Sabi nga niya, kung aabutin kami ng gabi, dito na ako matulog. Delikado raw magbiyahe ng gabi. Sinabi po niya kay Edel…”
“Mabuti naman at maunawain ang mama mo.”
“Parang ikaw, ‘Ma, Mabait din ang mama ni Viah. Mahal na mahal din ako,” sabi ni Edel.
“Totoo ba, Viah?”
“Opo. Magaling po ka-sing magsipsip si Edel.”
Nagtawa si Lorena at Edel.
“Marami kaming pagkukuwentuhan ni Viah. Kaya mamayang gabi sa kuwarto ko siya matutulog.”
“Alam ko, ako ang pagkukuwentuhan n’yo,” sabi ni Edel at nagtawa.
Kinagabihan, sa kuwarto ni Lorena, ikinuwento ni Lorena kay Viah ang tungkol kay Edel. Pero nagulat siya nang malaman na alam na pala nito ang tungkol kay Edel.
“Ikinuwento na po niya sa akin. Hanga po ako sa katatagan n’yo. Alam ko rin po ang ginawa n’yong pagtulong sa mga baba-ing inabuso sa Binondo,” sabi ni Viah.
Hindi makapagsalita si Lorena.
“At alam n’yo po nagkakapareho po ang story n’yo at ng mama ko,” sabi ni Viah.
Hindi humihinga si Lorena. Anong kababalaghan ito? (Itutuloy)