Ganti (83)

MANILA, Philippines - NAGING nobyo ni Pau si Brent nang minsang dumalo sa isang meat processing seminar. Ako ang nagpadala kay Pau sa libreng seminar na ini­offer ng isang government agency sa may Roxas Boulevard. Nagkatabi raw sa upuan sina Pau at Brent habang nasa seminar. Maghapon ang seminar. Hindi na hiniwalayan ni Brent si Pau. Nagtapat ng pag-ibig. Kinabukasan ay inihatid pa sa Nagcarlan.

Hindi na raw inilihim ni Pau ang mga masasakit na nangyari sa kanya. Ipinagtapat na ginahasa siya ng among Intsik nagbunga iyon ng isang anak na babae. Sa kabila raw niyon ay mahal na mahal siya ni Brent. Handa siyang pakasalan. Hindi raw mahalaga ang mga nangyari at pinagdaanan basta ang alam daw ni Brent ay mahal niya si Pau.

“Mahal mo rin ba siya, Pau?” tanong ni Lorena.

“Oo, Ate.”

“E di sige magpakasal kayo. Kung ano man ang maitutulong ko gaya ng aking ginawa kay Encar ay sabihin mo lang, Pau. Hindi kita maaaring pabayaan — lahat kayo na mga na­iligtas ko.”

“Salamat, Ate. Si Brent po ay may naipong pera. Kasi galing pala siya ng Saudi Arabia. Kaya naman po siya dumalo sa meat processing seminar e dahil interesado siyang mag­negosyo ng meatshop. Balak daw niya sa Mindoro magtayo ng meatshop.”

“Naku e di iiwanan mo pala ako. Ilalayo mo pala sa akin si Felis.”

“Hindi Ate. Dito pa rin ako. Sinabi ko na kay Brent iyon bago pa niya ako niyayang magpakasal. Sabi ko sa kanya, dito ako sa Nagcarlan sa piling ni Ate. Wala raw problema sa kanya. Dadalawin na lamang daw kami rito.”

“Aba mahirap naman yun na magkahiwalay kayo. Okey lang naman na sumama ka kay Brent. Sa akin e kung puwede lang naman na narito ka sa piling ko para nasubaybayan kita at si Felis.”

“Ang bait mo talaga Ate. Napakamaunawain mo. Ha­yaan mo at kapag nasa Mindoro na kami, e lagi kitang dadalawin dito.”

“Kasi naisip ko rin naman na hindi sa lahat ng panahon ay magkakasama tayo. Siyempre, magtatayo kayo ng sariling pamilya at magkakahiwa-hiwalay tayo. Talagang ganoon ang buhay­. Basta huwag mo lang akong kalilimutan.”

May nangilid na luha sa mga mata ni Pau.

Nagkatotoo ang mga sinabi ni Lorena sapagkat nang mag-asawa si Pau at manirahan na sa Mindoro sa piling ni Brent ay si Lyra naman ang may ipinagtapat kay Lorena.

“Ate darating ang boyfriend kong taga-Australia. Gusto raw hingin ang kamay ko sa’yo,” sabi nitong matalinhaga at nakangiti.

“Paano mo nakilala? Ano yan Australyano?”

“Pinoy siya Ate. Matagal nang nag-migrate sa Australia. Nakilala ko siya dahil sa isang kaibigan. Talagang love na love ako…”

(Itutuloy)

Show comments