“BAKIT hindi sumama si Encar, Lyra?” tanong ni Lorena nang tumatakbo na ang kanilang van sa Recto patungong Legarda.
“Hindi po sinabi. Basta nagpasya na magpapaiwan at susunod na lang daw sa atin.”
“Susunod? Paano siya susunod e hindi pa naman niya alam ang patungong Nagcarlan?”
“Alam daw po niya.”
Nagtaka si Lorena. Ang Nagcarlan ay hindi gaanong sikat na lugar. Paano malalaman iyon ni Encar?
“Kinuha po niya ang cell phone number n’yo Mam. Kung mahirapan daw siyang hanapin ay saka siya tatawag. Pero sinabi niya na talagang alam niya ang pupuntahan nating lugar.”
“Sana sumama na lang siya.”
“Talaga pong kasama na siya namin pero nagbago ang pasya sa bandang huli.”
Napailing-iling lang si Lorena. Isa pang dagdag sa problema niya si Encar sapagkat maaari niya itong balikan sakali at hindi makarating.
“Akala ko ba gusto na niyang makaalis sa impiyernong bahay?”
“Gusto nga niya Mam. Pero nagbago nga ang pasya.”
“Kapag nabisto ang pagkawala n’yo, tiyak siya ang kawawa.”
“Iyon din po ang iniisip namin, Mam. Lalo pa nga at nandoon ngayon ang lalaki naming amo. Doon natulog dahil may binabalak na namang masama sa amin…”
“Ibig mong sabihin nang umalis kayo e naroon ang lalaking amo?”
“Sino ang nasa kabilang tindahan?”
“Hindi po namin alam Mam. Basta ang alam ko, kaya naroon ang aming among lalaki, e may gagawin siya kay Encar. Palagay ko po, sinisilihan na naman sa kamanyakan ang amo namin.”
Napakagat-labi si Encar. Hayup talaga! Matanda na ang among lalaki pero sagad pa rin sa buto ang kalibugan.
“Ibig mo bang sabihin, nagalaw na rin ng amo si Encar?”
“Palagay ko po Mam. Kasi minsan, nakita namin na walang tigil sa pag-iyak si Encar. Noon pong mangyari iyon ay wala ang amo namin babae dahil nasa Navotas. Pinatawag po si Encar ng amo naming at pinapunta sa itaas. Ayaw po ni Encar pero sapilitang inilabas sa bodega. Dinala sa itaas. Hapon na nang bumaba si Encar na para bang lantang gulay ang itsura.”
Napakagat-labi na naman si Lorena. Hanggang kailan matatapos ang pagdurusa ng mga babaing tindera?
Nasa South Luzon Expressway na sila. Mabilis pero maingat ang pagpapatakbo ni Nanding.
Maya-maya ay binuksan nito ang AM radio. Eksakto sa isang live report. Ibinabalita na isang tindahan sa Binondo ang kasalukuyang nasusunog. Malaki na raw ang apoy at kumakalat sa mga katabing tindahan.
(Itututuloy)