Ganti (55)

“ILAN pa bang kasamahan n’yo naiwan sa lumang tindahan? ” tanong ni Lorena sa apat na babaing nailigtas niya.

‘‘Apat pa po, Mam Lorena,’’ si Ara ang sumagot. 

‘‘Sinu-sino ang mga ito?’’

‘‘Si Lyra, Angela, Kelly at Encar po Mam.’’

‘‘Sa iisang probinsiya ba kayo nanggaling ?’’

‘‘Hindi po. Iba-iba po ang pinanggalingan na­ming province.’’

“At lahat kayo maga­ganda at pawang tapos ng high school?’’

“Oo.”

‘‘Ni-recruit kayo nino? Ikaw Lea, paano ka napunta sa hayup at manyakis na amo?’’

‘‘May nagtungo po sa aming babae na nangako na ipapasok kami sa department store ng mall. May bago raw branch ang mall at kailangan ng libong saleslady. Kailangan daw po ay maputi at slim.”

“Pinayagan ka kaagad ng magulang mo?’’

“Opo.”

Ganun din naman ang kuwento nina Ara at Pau. Ni-recruit din sila at binigyan daw ng pera ang kanilang mga magulang. Parang isang buwang suweldo raw.

“Tapos anong reaksiyon n’yo nang malaman n’yong sa tindahan ng fishball kayo dinala at hindi sa department store?”

“Ako po ay umiyak,” sabi ni Ara. ‘‘Kasi talagang ang akala ko e saleslady ako. Yun pala saleslady ng kikiam.”

“Ako man ay nabigla,” sabi ni Pau. ‘‘Inaasahan ko maganda ang trabaho ko. Yun pala e....palpak at ang amo ay manyak!”

‘‘So apat pa pala ang ililigtas ko. Kapag nailigtas natin ang apat, nakagantio na tayo. Wala nang puwersa ang Intsik. Wala na siyang tauhan. Baka magsara na siya.”

“Pero palagay ko po madali siyang mairerecruit kagaya ng ginawa sa amin. Baka nga po, nagpapa­hanap na ng mga gagawing tindera.”

“Kailangan pala sa lalong madaling panahon ay maitakas ko ang apat pa ninyong kasamahan. Sa apat na natitira, sino ang pinaka-matigas o malakas ang loob?”

‘‘Si Encar po.’’

‘‘Nakausap ko na ba siya?’’

“Hindi pa po siguro Mam dahil si Encar ay laging nasa bodega sa tagiliran ng bahay. Siya po ang nagkakabit ng presyo sa produkto.’’

‘‘Bukas pupunta uli ako sa Binondo.’’

‘‘Mam mag-ingat ka po at baka may makapagtip sa’yo. Kasi baka may “ahas”’ din kaming kasama,’’ Sabi ni Lea.

Nag-isip si Lorena. Posible na magkaroon ng ahas. Hindi lang sa gubat me ahas kundi sa lungsod man.

‘‘Salamat sa paalala, Lea.’’

(Itutuloy)  

Show comments