SI Lorena ng mga sandaling iyon ay “nagpatay” ng oras sa isang malapit na mall. Alam na ng kanyang drayber ang plano na may susunduin silang dalawang babae sa kanto ng Soler at Abad Santos.
“Anong oras Ate?” tanong ng drayber.
“Alas diyes. Puwede kang bumili ng gusto mo habang nagpapatay tayo ng oras. Mahaba pa ang oras. Alas otso pa lamang. Ako ay pupunta sa tindahan ng beads. Dito na lang tayo magkita mamayang 9:30.”
“Sige Ate.”
Habang patungo sa tindahan ng beads ay iniisip na ni Lorena ang mga gagawin kapag nakuha na sina Lea at Pau. Madagdagan ang mga tauhan niya. Iyon ang tanging maitutulong niya sa dalawa --- ang maitakas sa impiyernong bahay na pinamugaran ng demonyong amo. Pagkatapos niyang makuha si Lea at Pau, si Ara naman ang isusunod niya. Tutuparin niya ang pangako kay Ara. Kung maaari nga lang sana na makasabay na siya ngayong gabi sa pagtakas ay mabuti pero mahirap. Baka sa kagustuhang maitakas lahat ay mabulilyaso. Sa ibang araw na lang babalikan si Ara.
Bumili ng beads si Lorena. Kapag may libreng oras ay ang paggawa ng bracelet mula sa beads ang inaatupag niya. Mahilig siya roon.
Paglabas niya sa tindahan ay nagdaan siya sa isang bakery at bumili ng kanilang kakainin habang nasa biyahe. Mahigit dalawang oras din ang patungong Nagcarlan kaya mabuti nang may baong pagkain.
Eksaktong 9:30 ay nagkita sila ng drayber. Tinungo na nila ang parking.
“Aalis na tayo Ate?”
“Tantiyahin mo na pagdating natin sa kanto ng Soler ay 10:00.”
“Tamang-tama Ate kung aalis na tayo. Baka kasi matrapik pa tayo.”
“Sige, alis na tayo.”
Eksaktong 10:00 nang dumating sila sa Soler. Kabisado ng drayber niya ang kalyeng iyon dahil madalas pala itong magbiyahe ng panindang kendi na dinadala sa Divisoria.
Itinigil ng drayber ang van sa mismong kanto. Nakatingin si Lorena sa dakong panggangalingan nina Lea at Pau.
Maya-maya, natanaw na niya si Lea. Tumatakbo. May bitbit na bag.
“Si Pau nasaan?” tanong ni Lorena.
“Nahuli po si Pau!” sabing humahangos at biglang umiyak.
(Itutuloy)